📷: Official receipts na nagpapatunay na nagbayad ang DPWH Bulacan 1st District Engineering Office ng higit PhP55M sa Syms Construction Trading para sa isang flood control project sa Brgy. Piel, Baliwag, Bulacan. (PCO |FB)
Nagpahayag ng matinding galit at pagkadismaya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos matuklasan na walang bakas ng itinayong riverwall sa Barangay Piel, Baliwag, Bulacan, isang proyektong idineklarang “100 percent complete” at “fully paid” sa mga rekord ng pamahalaan.
Sa isinagawang inspeksyon ngayong Agosto 20, personal na nakita ng Pangulo na walang anumang istruktura sa lugar kung saan dapat itinayo ang 220-meter reinforced concrete riverwall na layong pigilan ang pagbaha sa paligid.
“As of last month, June, ang report dito: 100 percent complete at saka fully paid. Wala kaming makita. Kahit isang hollow block, kahit isang ano ng semento, walang equipment dito. Lahat itong project na ito, ghost project. Walang ginawa na trabaho dito,” pahayag ni Marcos Jr. matapos ang inspeksyon.
Ang proyekto ay nakatalaga sa SYMS Construction Trading at may halagang ₱55,730,911.60, ayon sa ulat na natanggap ng pamahalaan sa pamamagitan ng Sumbong sa Pangulo website.
“Ang kataka-taka, hindi namin mahanap itong kontratang ito. So, hinahanap pa rin namin. Hindi namin malaman, siguro sinubcontract nang husto,” dagdag ng Pangulo, habang binibigyang-diin ang posibilidad na maraming layer ng subcontracting ang naganap kaya’t mahirap matunton ang mga dokumento.
“Siguro naka-layer ng subcontractor kaya walang record. ‘Yung record nasa contractor na nakakuha ng kontrata, siguro ‘yung record nasa kanila at saka subcontractor. ‘Yun ang kailangan namin hanapin ngayon dahil maraming napalitan ng district engineer. Kaya’t ‘yung mga bago, hinahanap pa ang mga record,” paliwanag pa niya.
Tinawag ni Marcos Jr, ang proyekto bilang “perfect example of the abuse that is being done by some of the contractors,” at iginiit na hindi titigil ang pamahalaan sa pagtugis sa mga sangkot.
“It’s another example of the kind of problems that we have been facing. Starting since we put up the website, ang dami talagang sumusulat,” aniya.
“So, we’ll keep going. Very ongoing naman ang ating mga investigation. Pinag-aaralan namin lahat, tinitignan namin lahat ng mga sinusumbong sa amin and we will not stop. We will keep going until ma-identify nang mabuti at makasuhan nang mabuti itong lahat,” mariing pahayag ni Marcos Jr. (ROSE NOVENARIO)