Hiniling ng Estados Unidos ang extradition ni Apollo Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ayon sa ulat ng GMA News Online nitong Miyerkules.
Si Quiboloy, 75, ay nahaharap sa mga mabibigat na kaso sa US kabilang ang child sex trafficking, pakikipagtalik sa menor de edad, pandaraya, at money laundering.
Naipadala na umano ng Department of Justice (DOJ) noong Hunyo ngayong taon, ang mga dokumentong sumusuporta sa extradition request ng US.
“The US is seriously seeking the extradition request and taking the necessary steps with the Philippine government in bringing him to justice,” ayon sa isang source.
“Malacañang is also aware of the US extradition request,” dagdag pa ng source sa panayam ng GMA News Online.
Si Quiboloy ay na-indict ng US federal grand jury noong 2021 at isinama sa listahan ng Most Wanted ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Kabilang sa mga kaso laban sa kanya ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion; sex trafficking of children; at bulk cash smuggling.
Ayon sa US federal prosecutors noong 2021, pinilit umano ni Quiboloy ang mga babae at menor de edad na makipagtalik sa kanya “under the threat of physical and verbal abuse and eternal damnation.”
Sinabihan umano ang mga biktima na ang “night duty” ay “God’s will,” isang “privilege,” at isang “necessary demonstration” ng kanilang pananampalataya sa kanya bilang “The Appointed Son of God.”
Kasama rin sa indictment ang dalawang lalaking administrador ng KOJC sa US, pati na ang umano’y nationwide solicitation operations ng grupo na nauwi sa forced labor, labor trafficking, document servitude, marriage fraud, at money laundering.
Batay sa extradition treaty na nilagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos noong 1994, lahat ng kahilingan para sa extradition ay dapat idaan sa diplomatic channel at suportado ng mga dokumento na naglalarawan sa pagkakakilanlan at posibleng kinaroroonan ng taong hinahanap.
Kapag pinayagan ang extradition, “the authorities of the contracting parties shall agree on the time and place for the surrender of the person sought,” ayon sa kasunduan.
Ang treaty ay nagtatakda rin ng mga kondisyon kung kailan maaaring tanggihan ang extradition, tulad ng kung ang kaso ay political offense, military offense, o may parusang kamatayan sa batas ng humihiling na estado.
Maaari rin itong tanggihan kung ang akusado ay nahatulan na o napawalang-sala sa parehong kaso sa bansa kung saan siya kasalukuyang naroroon.
Si Quiboloy ay kilalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na dating alkalde ng Davao City kung saan nakabase ang KOJC. Si Duterte ay inaresto sa Maynila noong Marso 11 ngayong taon batay sa warrant mula sa International Criminal Court, at kasalukuyang nakakulong sa Netherlands habang hinihintay ang paglilitis sa kasong crimes against humanity.
Si Quiboloy ay nakapiit sa Pasig City Jail sa mga kasong sexual abuse, child abuse, at human trafficking sa Pilipinas. (ROSE NOVENARIO)