Sat. Aug 8th, 2026

Isang district engineer mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) First Engineering District sa Bulacan ang umano’y nagpatalo ng daan-daang milyong piso sa isang casino sa Maynila, ayon sa pagbubunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang privilege speech nitong Miyerkules.

Tinawag ni Lacson na “most notorious” ang mga flood control project sa Bulacan, kung saan halos 30 ghost projects ang natuklasan. Tinukoy niya sina dating District Engineer Henry Alcantara at dating Assistant District Engineer Brice Hernandez bilang mga pangunahing sangkot.

“According to the contractors and Department of Public Works and Highways (DPWH) officials who personally spoke with me and my staff, these two are almost the same in their love for money,” ani Lacson.

“There were even reports that one of them has lost hundreds of millions in a casino here in Manila,” dagdag niya.

Sa ilalim ng pamumuno nina Alcantara at Hernandez, 28 proyekto ang pinondohan noong 2024 kahit magkakaiba ang disenyo, haba, at detalye ng mga ito.

40% Lang ng Pondo ang Napupunta sa Aktwal na Proyekto

Sa kanyang talumpating pinamagatang “Flooded Gates of Corruption,” sinabi ni Lacson na 40% lang ng flood control budget ang napupunta sa aktwal na implementasyon—ang natitira, kinukurakot.

“Halimbawa, sa P100 million na pondo para sa flood control project, kung ibabawas ang maximum allowable deductions, P82 million ang matitira para sa proyekto. Pero hindi pa dito nagtatapos, Mr. President. Kakatayin pa ang budget para sa mga ‘lagay’, commissions, SOPs, at iba-iba pang terminong binubuo para sa shares ng mga korap,” paliwanag ni Lacson.

Ibinahagi rin niya ang breakdown ng “pie-sharing” sa mga flood control project:

Tumanggap Bahagi ng Pondo
Opisyal ng DPWH 8–10%
District Engineering Office 2–3% (kung may sobrang kita ang contractor)
Bids and Awards Committee 5–6%
Commission on Audit 0.5–1%
Politiko (parking fee/royalty) 5–6%
Tagapagpondo o proponent 20–25%

“Mr. President, ang matitirang pondo para sa pagpapatayo ng proyekto ay napakasuwerte nang umabot sa 40% o P40 million pesos alinsunod sa ating halimbawang P100 milyong pisong pondo,” giit ni Lacson.

Ghost Projects at Congressional Insertions

Batay sa case studies ng kanyang opisina at mga ulat mula sa DPWH insiders, contractors, at Sumbong sa Pangulo website ng Malacañang, ibinunyag ni Lacson ang mga ghost at substandard flood control projects sa Pampanga, La Union, Oriental Mindoro, at Bulacan.

Kabilang sa mga bagong estilo ng korapsyon na kanyang tinukoy ay:

  • Taun-taong pondo para sa mga istrukturang tapos na pero walang aktwal na repair o improvement
  • Pagpopondo sa mga proyekto na nasira ilang buwan lang matapos itayo
  • Congressional insertions para sa flood control projects
  • Paglalagay ng flood control projects sa unprogrammed funds kahit komplikado ang proseso sa ilalim ng Special Purpose Fund

Wala pang opisyal na tugon mula sa DPWH. Hanggang ngayon, wala pang kasong isinampa laban sa mga tinukoy na opisyal. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *