Dismayado ang ilang kawani ng isang government radio station sa hindi pagkastigo ng mga opisyal ng Presidential Communications Office (PCO), na pinamumunuan ni acting Secretary Dave Gomez, sa news anchor na ilang beses na umanong inireklamo sa hindi wastong asal.
Tinukoy ng sources sa DWAN 1206 , AM radio station ng government-run IBC-13, isang attached agency ng PCO, si Sherween Eslava, ang anchor na may mga ginawa umanong pagmamalabis.
Kabilang sa mga insidente na naireklamo umano si Eslava ay naabutan siyang “hubo’t hubad” sa make-up room ng istasyon dahil mistulang naging hotel room niya ito at doon siya “nakatira” na umano’y may pahintulot ng mataas na opisyal ng nasabing ahensya.
Maliban anila sa eksenang hubo’t hubad sa make-up room ay tambak na raw ang sumbong na nakarating sa management laban sa kanya, gaya ng body shaming sa empleyado, sinugod, sinigawan at pinagmumura ang mga technician sa IT department.
Ngunit nang sinibak siya ng isang opisyal ng radio station, “dumirekta” umano si Eslava sa pamunuan ng IBC-13, kinampihan umano siya at ibinalik sa programa niya sa gabi na “Tita Chupeta.”
Si Eslava ay nakadamit babae sa naturang programa at gumagamit ng mga lengguwahe na may double-meaning gaya ng “ Ang taba ng aking pechay, Mahilig ka ba kumain ng mani? Eh di masakit sa puwet.”
Sa halip na patawan umano ng disciplinary action ay tila nakasungkit pa ng “premyo” si Eslava at dinagdagan pa siya ng programang hahawakan, ginawa siyang anchor sa sa “Bangon Bagong Pilipinas” news program sa umaga at nakasuot panlalaking damit at may pekeng bigote.
“Wala na bang ibang mapagpipilian na uupo sa news program ng gobyerno? Ito ba ang gusto nating imahe para sa Bagong Pilipinas?” tanong ng mga dismayadong empleyado.
“Si Eslava ba ang “mukha” ng propaganda ng gobyerno?” dagdag nila.
“Paano na ang kredibilidad ng aming balita lalo na’t gobyerno pa naman kami?”
Nabatid na si Eslava ay dating naglingkod sa NBS DWDY News Teleradyo na nakabase sa Isabela at ipinaskil sa kanilang Facebook page noong Enero 4, 2024.
“Ano mang transaksyon may kaugnayan sa kaniya ay wala ng pananagutan o kinalaman ang himpilang ito.”
Si Jimmie Policarpio ang presidente ng IBC-13 habang si Corazon Reboroso ang general manager at si Marc Logan ang station manager ng DWAN. (ROSE NOVENARIO)