Sa makasaysayang Simbahan ng Malate sa Maynila, pinangunahan ni Father Robert Reyes, kilalang aktibistang pari, ang isang penitensyal na serbisyo upang ipanalangin ang pagbabagong-loob ng Senado at Korte Suprema ng Pilipinas noong Biyernes, Agosto 22.
Isinagawa ang simbolikong pagtitipon bilang tugon sa pagharang sa impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Humigit-kumulang dalawampung kalahok, kabilang si Reyes, ang nagsuot ng sako, isang makalumang simbolo ng pagsisisi, habang nilagyan ng abo ang kanilang mga ulo.
Ayon sa mga tagapag-organisa, ito ay kolektibong pagpapahayag ng dalamhati at pagkadismaya sa umano’y “pakikipagsabwatan at moral na pagkabigo” ng mga institusyong dapat sana’y tagapagtanggol ng hustisya.
“Hindi lang ito tungkol sa isang opisyal,” pahayag ni Reyes. “Ito ay tungkol sa unti-unting pagkasira ng katotohanan, hustisya, at dangal ng demokrasya. Lumuhod kami hindi bilang talunan, kundi bilang mapagmatyag na mamamayan.”
Nagtipon ang mga tagasuporta mula sa sektor ng simbahan, civil society, at mga ordinaryong mamamayan na naniniwalang bahagi ito ng mas malawak na pattern ng impunidad at proteksyon sa kapangyarihan.
Ayon sa mga tagapagtaguyod, ang serbisyong ito ay bahagi ng lumalawak na moral na panawagan, isang hamon sa mga institusyon na tuparin ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon at ipagtanggol ang kapakanan ng bayan. (ROSE NOVENARIO)