Sun. Mar 15th, 2026

Ni DIEGO MORRA

 

Iyan ang nangyayari sa nagiging pagsisiyasat sa pangungurakot na kaakibat ng mga proyekto na na diumano ay kokontrol sab aha subalit ang nangyari ay bumaha ang salapi sa bulsa ng mga senador, kongresista, opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sapagkat ngayon ay Buwan ng Wikang Pambansa, isasaisangtabi muna natin ang Inggles upang masinsinan nating limiin ang umaalingasaw ng pandurugas sa kaban ng bayan at ang paghahati-hati ng pondo ng mga proyekto upang mapigilan ang baha. Nagpupuyos and damdamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang “matuklasan” niya na 15 kontratista lamang ang tumipak sa 20% ng kabubuang P545-bilyong badyet sa mga proyekto ng DPWH laban sa baha. Ibinayubay pa niya sa ere at mga pahayagan ang mga pangalam ng mga korporasyong naghati-hati rito.

Hindi yata niya napansin na ang mga proyektong nabanggit ay pawang kasali sa National Expenditure Program (NEP) noong 2022 at 2023 at samakatuwid ay dumaan and mga ito sa pagsusuri ng Department of Budget and Management (DBM) at inaprubahan mismo ni Marcos Jr. Ang sangkatutak na proyekto laban sa baha noong panahon ng administrasyong Rodrigo Duterte na pinamahalaan ni dating kalihim ng DPWH na si Mark Villar, na ngayo’y senador na kataka-takang siya pang nagsisiyasat sa anomalya ng DPWH ay pawang bahagi rin ng NEP. May 10,340 proyekto laban sa baha ang ginawa nila Villar at wasto lamang na tanggalin siya bilang tagapangulo ng lupon sa pagsisyasat sa mga ito dahil imposibleng ipagpatuloy ang mga proyektong ito na hindi niya nalalaman.

Upang maligtas ang Senado sa pagkalunod sa kahihiyan, mismong si Mark Villar ay nararapat na humarap sa pagsisiyasat. Hindi maaaring tanggapin na ipinaubaya niya sa mga nakababang opisyales ang pagpapatupad ng 10,340 proyekto. Ano ito? Management by delegation? O kaya’y estilong Ponsio Pilato sa pamamahala na kailangan ang batya-batyang tubig para sa kanyang hugas-kamay? Katulad din ito ng kanyang palusot sa isyu ng 440 joint ventures ng Primewater Infrastructure Corp. (PIC) na kanyang mga pinagkakatiwalaang opisyales ng DPWH ang nag-apruba. Hindi rin malinaw kung bakit ang pangangasiwa sa mga 440 water districts ay biglang lumipad patungong DPWH mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA). Busilak sa kaputian itong si Mark Villar at ligtas-katawan ang estilo. Yan ba ang natutunan sa University of Pennsylvania at sa Booth School of Business ng University of Chicago?

Mabalik tayo sa usapin ng dinugas na proyekto laban sa baha. Nanggagalaiti sa galit si Marcos Jr. dahil nakita niya na wasak-wasak ang mga proyekto sa Calumpit at Hagonoy, Bulacan at gumuho rin ang dike sa Oriental Mindoro habang ang mga proyekto sa Camarines Sir, Albay at iba pang probinsya ay hindi nakumpleto, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB.) Natural, kamag-anak ng kongresista ang kontraktor, at katoto naman ni Senate President Chiz Escudero ang kumorner ng ibang proyekto. Sa Isabela naman, kamag-anak ng pulitiko ang pinalad na makakuha ng awards para sa ilang proyekto. Lumobo rin ang net worth ng isang party-list congressman na kumakatawan sa construction workers simula nang makapasok siua Kongreso at may mansion na pala siya sa California!

Ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon (dating Kabataan party-list rep.), dalawa sa sinasabing “ghost projects” sa Baliuag ay kasama sa NEP noong 2022 at ang ibig sabihin nito nagsimula ang proyekto sa panahon ni Duterte at Mark Villar. Hindi rin maaaring magkibit-balikat si Marcos Jr. dahil kasama ang mga ito sa NEP ng 2023 at siya ang responsable sa NEP na ito dahil ito ay ginawa ng Malakanyang at DBM.

Tulad ng proyekto sa Baliuag, Bulacan, ang P96.4-milyon na pagsasaayos ng proteksyon sa ilog sa Bulusan, Calumpit ng St. Timothy Construction at ang P77.18-milyon na flood mitigation structures sa Barangay Frances, Calumpit ng Wawao Builders ay bahagi ng NEP kayat hindi sila maaaring nanggaling sa congressional insertions. Ang siste sa mga ito ay inulat ng DPWH na nakumpleto ang mga ito sa panahon ni Marcos Jr. ngayong nakatiwangwang pala.

Kung sa mismong NEP ng pamahalaan ay nakalista na ang mga gagawing proyekto sa pagkontrol ng baha mula pa noong panahon ni Dutertek at hindi rin sinundan ang P351-billion flood control master plan na ginawa ni DPWH Secretary Rogelio Singson noong pangulo pa ang nasirang Noynoy Aquino at nagkasya na lamang sa P130 bilyon sa loob nng anim na taon. Ayon kay Singson, kung ginamit nila ang aming master pla, disin sana’y hindi lumala ang baha. Batay sa mga dokumento ng DPWH, mula noong 2011 ay P1.9-trilyon na ang ginastos laban sa baha. Mismong si Marcos Jr. ay kailangang magpaliwanag kung bakit pumalpak ang mga gawain ng DPWH kahit na napakalaking salapi ang inilaan laban sa baha. Sa ilalim ni Marcos Jr. ay may budget na P300-bilyon noong 2023, P349 bilyon noong isang taon P346 bilyon ngayong taon o kabuuang P995 bilyon.

Kailangang malaliman na ang pagsisiyasat na gagawin tungkol sa mga anomalya sa flood control at nararapat ring palawakin ito upang sakupin ang mga proyekto ni Duterte ar kung bakit hanggang ngayon ay lumalangoy pa rin sa baha ang mga taga-Davao kahit na iniulat na umabot sa P6.6-bilyon ang halaga ng mga proyektong imprastruktura na diumano ay nakuha nila Sen. Bong Go at P51-bilyon naman ang itinabi para sa mga proyekto ni Rep. Polong Duterte. Natural na marami pang mauungkat na anomalya sa ilalim ng administrasyong Duterte lalo na inamin ng DPWH na hindi nila sinundan ang flood control master plan ni Aquino at Singson. Gaya ng kasabihan ng mga Kano: When shit hits the fan, it rains on everyone.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *