Ni Zia Luna
Mula kay Macapagal-Arroyo hanggang kay Marcos Jr., paulit-ulit ginamit ng mga pangulo ng Pilipinas ang “lifestyle check” bilang simbolikong hakbang laban sa korapsyon, karaniwang inilulunsad tuwing may iskandalo, pampublikong galit, o kailangang siraan ang kalaban. Pero sa likod ng mga press release ng Palasyo, bihirang magbunga ito ng tunay na reporma. Sa halip, isa itong palabas na nagpapalakas ng ilusyon ng pananagutan.
Paulit-ulit na Political Theater
Si Gloria Macapagal-Arroyo ang nag-institutionalize ng lifestyle checks sa pamamagitan ng Executive Order No. 12 noong 2001, na lumikha ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC). Kalaunan, inabolish it oni Benigno Aquino III at inilipat ang tungkulin sa isang legal affairs office—tahimik na isinantabi ang inisyatiba.
Muling ginamit ni Rodrigo Duterte ang taktika noong 2017, iniutos ang lifestyle check sa mga lokal na opisyal tulad ni Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog, na kanyang inakusahang konektado sa droga. Marami ang nagsabing ito’y pambu-bully sa kalaban.
Iniutos kahapon ni Ferdinand Marcos Jr. ang lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno, simula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kasunod ng iskandalo sa flood-control projects at mga mamahaling gamit. Bagamat sinasabi ng Palasyo na “walang sasantuhin,” kapansin-pansin na hindi pa rin malinaw ang sariling yaman ni Marcos Jr.
“Maghahain ng kaso sa mga mapapatunayang may sala. Walang sasantuhin—walang kaalyado, walang paborito,” ayon kay Press Officer Claire Castro.
Gimik na Walang Ngipin
– Selective at simboliko: Lifestyle checks ay kadalasang ginagamit para sa mid-level officials o kalaban sa politika, habang ligtas ang mga nasa tuktok.
– Walang institusyonal na lakas: Kapag ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ay hindi bukas sa publiko, paano masusuri ang yaman ng mga opisyal?
– Pampublikong distraction: Ginagamit ito para ilihis ang atensyon mula sa mas malalalim na isyu ng korapsyon, patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, kakarampot na suweldo, kapos na serbisyong panlipunan, at iba pa.
Pero sa likod ng mga press release at photo ops na inilalako ng Presidential Communications Office (PCO), nananatiling sarado ang pinaka-basic na dokumento ng transparency: ang SALN ng pangulo.
Mula noong 2018 , tumanggi na si Duterte na isapubliko ang kanyang SALN, at sinabing ang Office of the Ombudsman na raw ang bahala. Noong 2020, ang Ombudsman ay naglabas ng memo na naglilimita sa access ng publiko sa SALN, maliban na lang kung may court order o pahintulot mula sa opisyal mismo.
Hindi na ito binago ni Marcos Jr, at sa kabila ng utos niya na lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno, siya mismo ay hindi pa rin naglalabas ng sariling SALN.
Sa ilang panayam, sinabi niyang ayaw niyang gamitin ito bilang “political weapon” laban sa mga opisyal. Sa kabila ng mga panawagan mula sa mga senador at transparency advocates, nananatiling sarado ang kanyang SALN.
“Kung nag-utos si Presidente ng lifestyle check, magandang halimbawa at magpapakita din ang pamumuno kung kasamang ibubunyag ‘yung kanyang SALN,” ani Sen. Risa Hontiveros.
Ano ang Tunay na Pananagutan?
– Bukas at regular na paglalathala ng SALN ng lahat ng opisyal, lalo na ng pangulo.
– Independent audit ng mga asset declarations.
– Pagpapalakas ng Ombudsman, COA, at BIR para sa tunay na imbestigasyon.
– Proteksyon sa whistleblowers at citizen-led transparency efforts.
Hangga’t ang mga lifestyle check ay hindi sinasabayan ng tunay na transparency, lalo na mula sa pinakamataas na lider, mananatili itong gimik. At sa bawat gimik, lalong lumalalim ang kultura ng impunidad.