Sun. May 24th, 2026

Tiniyak ni Palace Press Officer Claire Castro na agad ipatutupad ng administrasyong Marcos Jr. ang mga arrest warrant sakaling ilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa mga co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity hinggil sa madugong drug war.

“Nang magsalita ang DOJ na ngayon ay pinapa-effect ang warrant of arrest mula sa ICC, tingin ko maliwanag naman ang stance ng Pangulo rito, ng gobyerno,” ani Castro panayam sa DZMM.

Giit ni Castro, hindi kailangan dumaan sa lokal na hukuman ang ICC warrant dahil nakasaad sa Republic Act 9851 o “Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity” ang mga opsyon ng pamahalaan.

“Hindi kailangan dumaan sa local court. Ito ang sinabi ni SolGen Berberabe. Mayroon tayong RA 9851, nakasaad doon kung ano ang option ng gobyerno,” aniya.

“Maliwanag ito, international court ang pinag-uusapan natin dito, hindi isang requesting state. Yun naman sa atin angyaon, wala tayong nilalabag na batas. ‘Yan ang pananaw ng gobyerno,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan ay tinutugis ng mga awtoridad si Sen. Ronald ‘Bato” Dela Rosa matapos i-unseal ng ICC ang arrest warrant laban sa kanya noong 11 Mayo 2026 nang magpakita siya sa Senado matapos ang anim na buwang pagliban.

Itinuturing na ng gobyerno bilang pugante si Dela Rosa kasunod ng pagpuga niya mula sa “protective custody” ng Senado noong Mayo 14 matapos ang putukan sa naturang lugar.

Inamin ni Sen. Robin Padilla na kasama niyang lumabas ng Senado si Dela Rosa noong Mayo 14 alas-2:30 ng umaga makaraang isinapubliko ng PNP-CIDG ang CCTV footage nang paglisan nilang dalawa sa Senado.

Bukod kay Dela Rosa, kabilang sa co-perpetrators ni Duterte sa crimes against humanity ay sina Sen. Christopher “Bong” Go, dating Special Assistant to the President at longtime personal aide ng dating pangulo; Vitaliano Aguirre II, dating Justice Secretary at abogado ni Duterte; Oscar Albayalde, dating PNP Chief at dating National Capital Region Police Office (NCRPO) director; Vicente Danao, dating Davao City Police Chief at dating PNP deputy director for operations; Dante Gierran, dating Davao regional director ng National Bureau of Investigation (NBI); Isidro Lapeña, dating Davao City Police Chief at dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief at Camilo Cascolan, dating PNP Chief at Davao police finance chief, pumanaw na noong 2023. # (ROSE NOVENARIO)

By admin