Pinaiimbestigahan ni Presidential Communications Office (PCO) acting Secretary Dave Gomez ang napaulat na demoralisasyon sa hanay ng mga empleyado sa News Department ng People’s Television Network Inc. bunsod ng paglabag sa kanilang karapatang pantao ng Broadcast Specialist na si Dominic Almerol.
Nabatid na nagtungo sa tanggapan ng PTNI si Gomez dakong alas-10 ng umaga ngayong araw upang personal na kausapin ang pamunuan ng state-run television network hinggil sa napabalitang paghahain ng petisyon ng mga kawani laban kay Almerol.
Sa isang kalatas na ipinadala sa Malacanang Press Corps noong Sabado ay sinabi ni Gomez, “This has been brought to my attention only yesterday. I asked PTV 4 management to look into it and give me a report on the veracity of the allegations and actions taken.”
Matatandaan na unang iniulat ng Balitang Klik noong Oktubre 3 ang petition letter ng mga empleyado na isinumite kay Network General Manager Malou Choa-Fagar para sibakin si Almerol dahil sa umano’y pagging “oppressive and notoriously undesirable.”
Sa halip na patawan ng disciplinary action ni Fagar si Almerol ay itinalaga pa itong News Content Head noong Oktubre 1 na ikinabahala ng mga lumagda sa petisyon dahil posibleng buweltahan sila nito at gamitin ang kanyang kapangyarihan upang gipitin sila.
Wala si Almerol nang nagpunta si Gomez sa PTNI. (ROSE NOVENARIO)