: Angel Salazar Memorial General Hospital | FB
Saludo ang Filipino Nurses United (FNU) sa matapang na paninindigan ng mga nars at health workers ng Angel Salazar Memorial General Hospital (ASMGH) sa Antique, na nagsagawa ng welga bilang protesta sa hindi makatarungang apat na buwang pagkaantala ng kanilang sahod. Humigit-kumulang 60 kontraktuwal na empleyado—kabilang ang mga nars na bumubuo ng halos kalahati ng lakas-paggawa ng ospital—ang napilitang gawin ang mahirap ngunit makatarungang hakbang na ito.
Ang mga manggagawang ito ay nagbibigay ng mahahalaga at nakapagliligtas-buhay na serbisyo, ngunit sila mismo ay pinagkaitan ng kanilang sariling lifeline—ang kanilang sahod—sa loob ng ilang buwan. Maaaring tiisin ang ilang araw na pagkaantala, ngunit ang apat na buwan ay hindi makatao, lalo na para sa mga kontraktuwal na empleyadong lugmok na sa kawalan ng seguridad sa trabaho at benepisyo.
Ipinapakita ng tugon ng pamahalaang panlalawigan ang matinding pagkukulang sa pamamahala. Sa kabila ng ulat na may pondo naman, mahihinang dahilan ang ibinigay ng mga opisyal sa pagkaantala. Mas masahol pa, tinakot pa ng gobernador ang mga manggagawa ng hindi pag-renew ng kontrata dahil sa umano’y “pag-abala sa serbisyo publiko”—isang malinaw na pananakot na nagpapakita ng kapabayaan at kawalan ng malasakit ng lokal na pamahalaan.
Ang karapatang magwelga ay nakasaad sa Konstitusyon at Labor Code. Kapag nabigo ang pamahalaan na igalang ang mga batayang karapatan ng manggagawa, ang welga ay nagiging lehitimo at moral na hakbang. Ang matagal na pagpigil sa sahod ay hindi lamang paglabag sa batas-paggawa kundi isang anyo ng ekonomikong inhustisya na nagpapagutom sa mga pamilya at nagpapahirap sa kanilang transportasyon, edukasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Ipinapakita rin ng sitwasyong ito ang mas malalim na suliranin: ang patuloy na kontraktuwalisasyon ng mga pangunahing tauhang pangkalusugan. Ang mga nars at health workers, na siyang salalayan ng kalusugan ng bayan, ay matagal nang nararapat gawing regular na empleyado na may seguridad sa trabaho at makatarungang sahod.
Mariing kinokondena ng FNU ang matinding kapabayaan ng lokal na pamahalaan ng Antique at nananawagan ng agarang pagbabayad ng lahat ng naantalang sahod, regularisasyon ng mga kontraktuwal na health workers, at ganap na pananagutan mula sa mga responsable. Patuloy ang ganitong mga kaso sa maraming lokalidad—kung saan pasan ng health workers ang mabibigat na trabaho at mababang sahod habang bigo ang pamahalaan na tuparin ang pinakapayak nitong tungkulin.
Sa panahon ng talamak na korapsyon at pandarambong, sumasalamin ang insidenteng ito sa pagdurusa ng karaniwang lingkod-bayan habang ang nasa kapangyarihan ay nagpapakasasa sa pribilehiyo. Ang matinding pagkabigo ng pamahalaan na tiyakin ang napapanahon at makatarungang kabayaran sa mga nars at health workers ay isang eskandalong moral at pampulitika.
Buong pakikiisa ang FNU sa mga nagwewelgang health workers ng ASMGH. Ang kanilang laban ay hindi lamang para sa karampatang sahod kundi para sa respeto, katarungan, at pagkilala sa napakahalagang papel na ginagampanan nila sa pagpapanatili ng kalusugan ng sambayanan. #