📷: Si Las Piñas-Muntinlupa district engineer Isabelo Baleros matapos madakip sa mga kasong estafa.
Pinaghahanap ng mga awtoridad ang tatlong kasabwat ni dating Las Pinas-Muntinlupa DPWH Engineer Isabelo Baleros sa mga kasong estafa na sina Ferdinand A. Villar, Dennis Aguilar, at Tony Espi.
Si Baleros ay dinakip noong Martes, Setyembre 30, sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Presiding Judge Tammy Ann Reyes Mendillo, ng Manila Regional Trial Court Branch 22.
Nabatid na napiit si Baleros sa Baseco Police Station sa Maynila at nakapaglagak ng piyansa kahapon para sa pansamantala niyang kalayaan.
Ayon kay Las Pinas Rep. Mark Anthony Santos, bineberipika ng kanyang tanggapan kung kamag-anak nina dating Sens. Manny at Cynthia Villar si Ferdinand at kung si Aguilar naman ang dating konsehal sa Las Piñas City.
Matatandaan sinibak si Baleros ni noo’y DPWH Secretary Manuel Bonoan makaraang kuwestiyonin ni Santos ang ilang transaksyon, gaya ng umano’y paglipat ng P450 milyong flood control budget sa DPWH regional office kahit ito’y orihinal na inilaan para sa Las Piñas.
Ang hakbang ay inaprobahan umano nina DPWH Assistant Secretary Loreta Malaluan at Bonoan, sa kabila ng kawalan ng paunang konsultasyon sa Tanggapan ng Alkalde, Tanggapan ng Kinatawang Kongresista, City Engineering Office, o Sangguniang Panlungsod.
“Ito ay lantad na pag-iwas sa lokal na pamahalaan. Paano mo maililipat ang daan-daang milyong piso nang hindi ipinapaalam sa mga halal na opisyal ng lungsod? Amoy na amoy ang lihim na pagmamaniobra,” pahayag ni Santos noong Agosto 4.
Bukod dito, kinuwestiyon din ni Santos kung may nakikitang progreso o kahit paunang gawain sa iba’t ibang proyekto gaya ng C5 Diversion Road project at iba pang 27 proyekto sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act na may kabuuang halagang P450 milyon. (ROSE NOVENARIO)