📷: Presidential Communications Office acting Secretary Dave Gomez
Nagdurusa umano ang “welfare and mental health” ng mga empleyado sa News Department ng People’s Television Network Inc. (PTNI).
Sanhi raw ito ng magaspang na ugali at power-tripping ng Broadcast Specialist ng PTNI na si Dominic Almerol, na isang contract of service worker gaya ng mga manggagawa sa departamento na nilalabag niya ang karapatang pantao.
Lumagda ang mayorya ng mga empleyado sa petition letter na isinumite kay PTNI General Manager Malou Choa-Fagar at may kalakip pang mga reklamo ito ng ilang kawani noong Setyembre 2025.
Ilan sa mga pamosong linya ni Almerol:
“Alam ko background mo, umayos ka!”
“Hindi pa rin siguro nagsi-sink in sa sistema mo kung ano ang posisyon ko noh. Kaya ganun ka pa rin kahit ano ang sinasabi ko sa iyo!”
“Anong gusto mong gawin ko para ipaalala sa iyo? You suggest para tumatak sa isipan mo!”
Isang empleyado ang tinukoy ang dalawang Civil Service Resolution bilang batayan ng kanyang reklamo laban kay Almerol ay ang:
- CSC Resolution Number 95-2125 Oppression is defined as an act of cruelty, severity, unlawful exaction or excessive use of authority.
- CSC Resolution 99-0026 Notoriously undesirable is nn offense based mainly on the general reputation of an employee for being difficult to work with due to his /her quarrelsome and /or repeated infractions of office rules.
Hiniling sa petisyon na sibakin si Almerol ngunit sa inilabas na Office Order ni Choa-Fagar noong Oktubre 1, 2025 ay itinalaga pa siyang News Content Head.
Kaya naman labis ang pagkadismaya ng mga nagreklamo at nangangamba pa silang bubuweltahan ni Almerol.
IBC-13 hindi na GOCC?
May ulat na “sapilitang pinagretiro” ang LAHAT ng mga empleyado sa IBC-13 at simula noong Setyembre 1, 2025 ay naging contract of service na lang sila.
Bagama’t state-run ang IBC-13 at isa sa attached agency ng Presidential Communications Office (PCO), ito’y klasipikado bilang government-owned and controlled corporation dahil sequestered ito noong 1986 bilang pagmamay-ri ng isang Marcos crony.
Naguguluhan umano ang mga manggagawa sa IBC-13 kung anong batas ang ginawang batayan ng management para ideklarang ganap nang pagmamay-ari ito ng pamahalaan.
Paano na rin kaya ang isyu ng kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) na pinasok na joint venture agreement ng IBC-13 sa R-II Builders / Primestate Ventures, Inc. noong Marso 2010.
Parang minahika ni David Copperfield ang mga dokumento ng JVA, matapos ang anim na taon biglang nawala ang pangalan ng state-run network bilang may-ari ng 41,401 square meters na lupain sa Broadcast City sa Capitol Hills, Diliman, Quezon City.
“ IBC-13 was at a disadvantage for the reason that with the intention to sell the property, the payment should have been made outright or at the very least interest should have accrued on the deferred payments.”
Anang COA, ang naturang transaksyon na itinuturing na pagbebenta ng ari-arian ng gobyerno, ay paglabag sa Section 79 ng PD No. 1445 at Sections 2 at 3 ng EO No. 888, o “authority to dispose unserviceable equipment and disposable property.”
Sabi ng COA, ang bentahan ay hindi dumaan sa bidding, kaya’t maaaring hindi natanggap ng gobyerno ang tamang bayad base sa tunay na halaga ng lupain ng IBC-13 na napunta sa R-II Builders/ Primestate Ventures.
Ang R-II Builders ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Reghis Romero.
Hanggang sa ngayon, wala pang napapanagot sa kamalasaduhang ginawa sa pinakamalaking ari-arian ng IBC-13.
Walang kibo si PCO acting secretary Dave Gomez sa mga kaganapan sa state media na nasa ilalim ng kanyang pamamahala. (ROSE NOVENARIO)