📷: Dominic Almelor | FB
Hiniling ng mga empleyado mula sa News Department ng People’s Television Network Inc. (PTNI) sa kanilang general manager na si Malou Choa-Fagar na sibakin sa state-run media network ang pinuno ng kanilang departamento na si Dominic Almelor bunsod ng paglabag sa karapatang pantao ng mga kawani.
Sa kanilang petition letter na ipinadala kay Choa-Fagar, inireklamo ng mga empleyado ang “repeated acts of bullying, humiliation, and mistreatment inflicted by Mr. Dominic Alfelor, who currently serves as Broadcast Specialist and oversees the Department.”
Napag-alaman na si Almelor ay itinalaga sa posisyon bago natanggal sa puwesto si dating Communications Secretary Jay Ruiz noong Hulyo 2025.
“He was installed in his current role just before the departure of the previous administration.”
Mula anila nang manungkulan, si Almelor sa PTNI ay palagiang nagpapakita ng asal na hindi nararapat sa isang nakatataas.
Maraming kawani anila ang nakaranas ng kanyang mga pag-atakeng berbal, na nakapagpapababa sa dangal ng mga kasamahan at lubos na nakaaapekto sa kanilang dignidad.
“Since assuming his post, Mr. Almelor has consistently demonstrated conduct unbecoming of a superior. Numerous staff has been subjected to his verbal attacks, which has demeaned colleagues and gravely undermined their dignity,” nakasaad sa liham.
Sa halip na iwasto ang mga pagkakamali sa maayos at konstruktibong paraan, madalas anila siyang sumisigaw at inilalantad ang mga empleyado sa kahihiyan—sa loob ng opisina, sa mga pagpupulong, o maging sa mga group chat—na walang pakundangan sa lugar o sa mga nakasaksi.
Ang ganitong pag-uugali ni Almelor, anila, ay nagdulot ng labis na pagkabalisa, panghihina ng loob, at takot sa mga empleyado.
Binigyan diin ng mga umaalmang kawani na ginagamit ni Almelor ang contract renewal at performance evaluation bilang paraan ng pananakot.
“Mr. Almerol further heightens this environment of distress by using contract renewals and performance evaluation as a form of intimidation. This constant threat has created a climate of insecurity within the Department,” giit nila.
May mga kahalintulad na anilang mga reklamo laban kay Almelor sa pinanggalingan niyang Digital Department na nagpapatunay ng “consistent and repeated pattern of misconduct that cannot be dismissed as isolated incidents.”
Umaasa ang mga demoralisadong kawani ng kagyat na aksyon mula kay Choa-Fagar dahil naniniwala silang ang patuloy na pananatili ni Almelor sa PTNI ay banta sa kagalingan ng mga kawani at pagbabalewala sa pagpapahalaga sa propesyonalismo at paggalang na nararapat na mangibabaw sa kanilang institusyon.
“We therefore respectfully request appropriate measures, up to and including his removal from office , to protect the workforce restore a safe, respectful, and dignified environment in PTV.”
May ugong na ang beterana ng PTNI na si Jasmin Barrios ang umano’y nakaumang na papalit sa puwestong babakantihin ni Almelor. (ROSE NOVENARIO)