Naniniwala si dating Sen. Antonio Trillanes IV na si Sen. Bong Go ang “political patron” ng mag-asawang kontratistang Curlee at Darah Discaya dahil nagsimulang lumaki ang kanilang negosyo noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Trillanes sa panayam sa ANC na ang paglobo ng yaman ng mga Discaya ay mula nang pumasok sa joint venture sa kompanyang CLTG ng pamilya ni Go na nakasungkit ng mga kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Ang mga Discaya nagsimula silang lumaki noong panahon ni Duterte. Eventually, nakita nga natin ultimately, the political patron of the Discayas itong si Bong Go. Meron silang limang kontrata with the father of Bong Go , joint venture sila, worth almost 900 million pesos,” ayon kay Trillanes.
Maging si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na ikinanta ang ilang personalidad na sangkot sa maanomalyang proyekto sa kagawaran, ayon kay Trillanes, ay si Go ang nagtalaga sa puwesto noong administrasyong Duterte kaya’t maituturing umanong “mastermind” ang senador sa buong scam sa DPWH.
“Then itong mga ito, si Usec Bernardo, basically star witness si Bong Go rin ang nag-appoint nito. Kaya nakikita natin, ang mastermind ng buong scam na ito ay si Bong Go, during the time of Duterte of course, binigyan yan ng basbas ni Duterte when he was president,” dagdag niya.
Sinampahan ni Trillanes ng kasong plunder sa Ombudsman sina Duterte at Go dahil sa maanomalyang P7 bilyong infrastructure projects na nasungkit ng CLTG at Alfrego Builders na pagmamay-ari ng tatay at kapatid ni Go.
Ilan sa mga naturang kontratang ay naging ka-joint venture nila ang kompanya ng mga Discaya na St. Gerrard.
Batay aniya sa datos ng Commission on Audit (COA) data, nakakuha ng 125 proyekto ang CLTG sa DPWH sa Davao region mula Marso 2007 hanggang May 2018.
Ilan aniya sa mga proyektong ito ay nasa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ infrastructure program ng administrasyong Duterte at base sa COA records, nakasungkit ang CLTG ng 27 proyekto na nagkakahalaga ng halos P3.2 bilyon noong taong 2017.
Habang ang Alfrego Builders & Supply, ani Trillanes, ay nakakuha ng 59 public works projects sa Davao region mula Hunyo 2007 hanggang Hulyo 2018, na nagkakahalaga ng P1.74 bilyon.
Giit ni Trillanes, noon lamang 2018, nakakuha ang Alfrego 23 proyektong nagkakahalaga ng P1.3 bilyon.
Limang flood control projects din aniya ang nakorner ng Alfrego kamakailan na hanggang sa ngayon ipinatutupad sa Davao del Sur.
“These projects amounted to P327.2 million worth of flood control projects, all reported by the DPWH to have been completed within just a little over one year, ranging from August 2023 to November 2024,” sabi ni Trillanes.
“Ang main plunderer rito ay si Bong Go kasi siya ang central figure dun sa tatay at kapatid, tapos ‘yung kanyang relationship with Duterte enabled this. Ang pumipirma, ang naga-appprove ay itong si Duterte pero nasa likod niya itong si Bong Go,” ani Trillanes matapos ihain ang reklamo.
Kaugnay nito, inihayag ni Go, “Ang issue dito, ang flood control. Ang issue po dito, anomalous projects. Ang issue po dito, ghost projects. Panagutin ninyo po ang dapat panagutin. Kilala ni Trillanes ‘yan. Kilala niya kung sino ang mga kontraktors na ‘yan. Kilala niya kung sino ang mga dapat managot dito sa isyung ito.” (ROSE NOVENARIO)