Ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may ilang mambabatas na nais na lamang manahimik at kusang isauli ang pondong nakuha mula sa mga iregular na kontrata para sa flood control projects ng pamahalaan.
“May mga congressman na gusto lang nilang manahimik. Hindi na raw nila uulitin. Magsasauli pa sila ng pera mula sa mga kontratang pinasok nila bilang ‘congtractors,’” pahayag ni Remulla sa media.
Ayon sa Ombudsman, makikipagpulong siya sa Sandiganbayan sa darating na Lunes, Oktubre 27, upang talakayin ang mga mekanismo ng “restitution” o ang pagsasauli ng nakulimbat na pondo ng bayan bilang bahagi ng isang plea bargain o pag-amin sa mas magaan na kaso.
“We’re trying to lay down the mechanics for restitution… Para yung restitution, magsimula na,” ani Remulla. “Lahat ng ganito will end up with plea bargaining, iyon talaga ang ending niyan.”
Binigyang-diin din niya na hindi maaaring simulan ang proseso ng restitution nang walang pahintulot mula sa Sandiganbayan. “Kailangang may judicial approval. Hindi ito pwedeng basta-basta lang,” dagdag pa niya.
Bagamat hindi pinangalanan ang mga mambabatas na sangkot, sinabi ni Remulla na ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng kanyang tanggapan laban sa katiwalian sa mga proyektong imprastruktura.
“Ang mahalaga, mabawi natin ang pera ng taumbayan. Pero hindi ito nangangahulugan na makakalusot sila. Kailangang may pananagutan pa rin,” giit ng Ombudsman.
Patuloy ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa mga flood control projects na umano’y ginamit bilang daluyan ng korapsyon sa ilang rehiyon sa bansa. (RRN)
