Sun. Mar 15th, 2026

📷: Nagpapasalamat si Pangulong Bongbong Marcos sa Association of General and Flag Officers [ AGFO ] sa kanilang buong suporta sa laban kontra korapsyon sa ginanap na pagtitipon noong Setyembre 19, 2025.

 

Nagbabala ang samahan ng mga retiradong heneral at flag officers laban sa anumang hakbang na labag sa Konstitusyon, kasunod ng panawagan ng ilang indibidwal sa mga aktibong opisyal ng militar na bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa mga alegasyon ng korapsyon sa pamahalaan.

Sa pahayag ng Association of General and Flag Officers (AGFO), iginiit nilang dapat manatiling nasa ilalim ng pamumuno ng sibilyan ang militar, at ang anumang tangkang agawin ang kapangyarihan ay magiging “isang kapahamakan sa ating demokrasya,” na maglalagay sa ekonomiya, reputasyon ng bansa, at araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino sa panganib.

“Any extra-constitutional move, such as a military junta, would be a catastrophic betrayal of our democracy. It would betray the very democratic principles we spent our careers defending and invite devastating consequences,” ani retired Major General Gerardo Layug, pangulo ng AGFO at chairman ng board of trustees, sa kanyang pahayag noong Sabado, Oktubre 25.

Ayon kay Layug, kinikilala ng AGFO ang galit ng publiko sa korapsyon, ngunit binigyang-diin niyang “hindi ang militar ang solusyon sa mga problemang pampulitika.”

“To peacefully demand accountability from public officials is a protected democratic right. To exploit these legitimate public sentiments to advance a separate, unconstitutional agenda is a betrayal of the very people and the institutions we are sworn to protect,” dagdag pa niya.

Ang babala ay lumabas sa gitna ng galit ng publiko sa umano’y katiwalian sa mga proyekto sa flood control at imprastruktura, na ginamit ng ilang retiradong opisyal bilang batayan upang hikayatin ang mga aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang suporta sa administrasyon.

Nauna nang kinumpirma ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na may grupo ng mga retiradong opisyal na nakipagdayalogo sa kanya upang ipahayag ang kanilang hinaing kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon. Ayon kay Brawner, nais ng mga retirado na makialam ang AFP at magsagawa ng military junta, coup d’etat, o withdrawal of support mula kay Marcos. Tinanggihan ni Brawner ang panawagan.

Nagbabala rin si Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang anumang ilegal na pag-agaw ng kapangyarihan ay maaaring magdulot ng kaguluhan tulad ng nangyari sa Myanmar, kung saan nagkaroon ng military takeover na humantong sa krisis pampulitika at pagkondena ng pandaigdigang komunidad.

Mariin ding tinutulan ng AGFO ang panawagan, at iginiit na dapat isulong ang pananagutan sa pamamagitan ng demokratiko at legal na paraan. “We call for sobriety and unity under the Constitution. The only path forward is to demand accountability and fight corruption through the legal and democratic mechanisms our nation provides,” ani Layug. (RRN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *