Kinondena ni Kabataan Partylist Representative at Assistant Minority Leader Atty. Renee Co ang inilabas na abiso ng Commission on Elections (COMELEC) na itutuloy ang pagdinig sa kasong diskwalipikasyon na isinampa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) laban sa Kabataan Partylist, at tinawag itong “malinaw na utos sa Malacanang,”
Sa abisong inilabas noong Oktubre 16, kinompirma ng COMELEC na layon ng petisyon na tanggalin sa Kongreso ang Kabataan Partylist, batay sa alegasyong konektado ito sa mga grupong komunista, isang paratang na mariing pinabulaanan na ng grupo.
“Malinaw na utos ito ng Malacanang. Iniisa-isa nila ang mga kabataan, sa lansangan man o sa Kongreso, na matapang na nagpapanagot sa lahat ng sangkot, kasama si Marcos mismo na nasa tuktok ng korap na sistema, pahayag ni Co sa isang press briefing nitong Martes.
Binatikos din ni Co ang paggamit ng pondo ng bayan para sa mga tinawag niyang “gawa-gawang kaso, subpoena, surveillance, red-tagging, at iba pang operasyong panunupil” ng NTF-ELCAC.
“Sayang ang pondo ng bayan sa mga gawa-gawang kaso, subpoena, surveillance, redtagging at iba pang operasyon ng NTF-ELCAC laban sa ordinaryong mamamayan. Dapat buwagin na ang NTF-ELCAC, protektor ng korap!” dagdag ni Co.
Hindi lamang Kabataan Partylist ang tinutulak ng NTF-ELCAC na tanggalin.
Ayon kay Co, may hiwalay pang petisyon laban sa Gabriela Women’s Party, isa ring progresibong grupo sa Kongreso, kasama ng Kabataan at ACT Teachers Partylist sa Makabayan bloc.
“Unang tinira nila ang mga maralita, sunod mga estudyante, ngayon mga mambabatas. Hindi sila titigil hanggang matanggal ang oposisyon,” ani ni Rep. Co, laluna tinutulak din ng NTF-ELCAC ang hiwalay pang disqualificatiob case para ipatanggal ang Gabriela Women’s Party sa Kongreso,” paliwanag ni Co.
Inihalintulad ni Co ang kasalukuyang kalagayan sa madilim na yugto ng diktadura sa kasaysayan ng bansa.
“History is repeating itself. Kapag di na nila kayang i-daan sa panloloko ang krisis at galit ng masa, kakapit uli sila sa diktadura,” aniya.
Hinikayat ni Co ang kabataan na lumaban sa aniya’y sistematikong pagtatangkang patahimikin ang dissent.
“Dapat tanggalin ang mga kawatan, hindi ang boses ng kabataan. We call on the youth to fight back! Magkapit-bisig tayo sa masang anakpawis at magpalaki pa ng protesta. Babaguhin natin ang bulok na sistema. Laban, kabataan, para sa bayan, para sa ating kinabukasan!” sabi ni Co. (ROSE NOVENARIO)