Posibleng kasuhan ng gross negligence si dating House Speaker Martin Romualdez dahil sa kapabayaan nang ipaubaya kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang “pagkamada” sa 2025 budget.
Inihayag ito ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa panayam sa Facts First with Christian Esguerra vlog.
Malaking perwisyo aniya ang idinulot ng kapabayaan ni Romualdez.
Sisilipin aniya ng Ombudsman kung nagkaroon ng pakinabang sa usapin si Romuladez, bubusisiin ang kanyang SALN at kung may ill-gotten wealth siya.
“Si Martin negligent siya. Siya ang pumili kay Zaldy Co, kargo mo ‘yan. Dapat inalam niya kung ano ang ginagawa ni Zaldy Co, pondo ng bayan yan eh,” sabi ni Remulla.
Sina Co at Sen. Chiz Escudero aniya ang nag-usap bilang bumubuo ng small committee kahit lumusot na sa bicameral committee ang panukalang 2025 budget.
May dapat din aniyang panagutan si Escudero dahil kinuha ng noo’y Senate president ang buong 2025 “budgetary process” mula kay noo’y Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe.
“He took over the entire budgetary process , nawala si Grace Poe sa budget na ‘yun. He took over everything. He took over the job of Grace Poe,” paliwanag ni Remulla.
“Silang dalawa ni Zaldy Co ang nag-uusap sa small committee, after bicam. Siya mismo ang dumating roon. Nakunan nga siya ng video na nagpunta roon, siya mismo. May CCTV tayong makukuha,” dagdag niya.
Matatandaan na kasabay ng ulat na may mahigit P142-B budget insertion si Escudero ay ang video footage nang pagpunta niya sa Kamara noong Nobyembre 30, 2024 para makipagpulong hinggil sa 2025 budget.
Ang kompanya ng pamilya ni Co ang isa sa mga pangunahing nakasungkit ng bilyun-bilyong pisong halaga ng umano’y maanomalyang kontrata sa DPWH.
Pinatawan na ng freeze order ang mga pera sa bangko ni Co at kinompiska na rin ang kanyang air assets.
Kasalukuyang nasa Portugal si Co. (ROSE NOVENARIO)