Fri. Feb 13th, 2026

Tagumpay ng mga mamamayan ng City of San Jose del Monte, Bulacan ang pagwawakas ng joint venture agreement (JVA) ng lokal na pamahalaan at PrimeWater Infrastructure Corp. ni Manuel Villar, na kamakailan ay inanunsyo ni Mayor Florida Robes.

Inihayag ito ng Water for the People Newtork (WPN) bilang pakikiisa sa mga konsyumer ng CSJDM at sa lahat ng Pilipinong konsyumer ng tubig, at tinawag ang pangyayaring ito bilang “patunay sa katarungan ng laban ng mamamayan kontra pribatisasyon ng tubig at sa pangangailangang palakasin ito sa buong bansa.”

Ayon sa grupo, umabot sa 77 ang JVA ng PrimeWater sa mga lokal na water district (LWD) sa buong Pilipinas, ngunit ilang komunidad ang matagal nang nagrereklamo sa kakulangan, dumi ng suplay ng tubig, at patuloy na pagtaas ng singil.

Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Services at sa ulat ng Commission on Audit (COA), lumabas na maraming JVA ng PrimeWater ang nagdulot ng pagkabangkarote ng mga LWD at nabigong tuparin ang mahahalagang obligasyong nakasaad sa kontrata, kabilang ang tamang remittance sa mga pampublikong katuwang.

Binigyang-diin ng WPN ang kahalagahan ng desisyon ni Robes, na isa sa mga nagpahintulot sa pagpasok ng PrimeWater sa CSJDM.  Ginawa ang hakbang na ito sa gitna ng lumalakas at tuloy-tuloy na panawagan mula sa Alliance for Consumer Protection, People’s Rights Network, at sa mas malawak na kilusan ng mga konsyumer at tagapagtaguyod na matagal nang tumututol sa pribatisasyon ng tubig.

Inatasan ng Malacañang at iba pang ahensyang pambansa ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa operasyon ng PrimeWater matapos ilang taon ng panawagan mula sa mga organisasyong masa gaya ng WPN at mga progresibong mambabatas.

Nanawagan din ang mga tagapagtaguyod ng masusing pagsusuri sa iba pang pribadong kumpanya ng tubig gaya ng Pamana ni Lucio Co, MetroPac Water ng Pangilinan Group, at Manila Water ng Ayala Group, na pawang nakatanggap ng mga reklamo mula sa konsyumer na lalong nagpapabigat sa isyu ng pribatisasyon.

Bagamat mahigit 15 beses nang sinubukang tapusin ang mga kontrata ng PrimeWater ngayong taon, nagbabala si WPN Spokesperson Leo Espelimbergo na wala pa ni isa ang ganap na naipatupad.

“Paulit-ulit na nilulusutan ng PrimeWater ang mga lokal na petisyon, gaya ng sa Bacolod at Metro San Fernando, La Union,” ani Espelimbergo. “Ang mas nakababahala, wala pang komprehensibong plano para tiyakin ang tuloy-tuloy na serbisyo ng tubig sa mga lugar na kulang na kulang na sa suplay kapag tuluyang binawi ang mga JVA.”

“Lalong pinatitibay ng pangyayaring ito ang aming paninindigan,” pahayag ni Espelimbergo. “Patuloy kaming hihingi ng agarang serbisyo ng tubig, ganap na transparency sa lahat ng JVA, pagbawi sa mga mapanirang kontrata, at pagbabalik sa mamamayan ng kontrol sa mga sistema ng tubig. Hindi namin malilimutan kung paanong nagsasabwatan ang mga pulitiko at malalaking negosyo para sa tubo—madalas ginagamit ang wika ng mamamayan o pinapatahimik ang mga kritiko. Mananatiling mapagmatyag ang taumbayan.”

Nagpahayag din ng suporta ang WPN para kay Engr. Calajate, dating Tagapangulo ng SJDM Water District Board, na nahaharap sa pekeng kasong perjury matapos isiwalat ang mga opisyal na nagpahintulot sa PrimeWater deal.

“Malayo pa ang laban,” ani Espelimbergo. “Ngunit bawat tagumpay, gaya nito sa San Jose del Monte, ay hakbang palapit sa pagbawi ng tubig bilang pampublikong yaman—hindi pribadong kalakal.”  (ROSE NOVENARIO)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *