Fri. Feb 13th, 2026

Dolomite quarrying sa Cebu province. (DENR photo)

 

Resulta ng iresponsable at walang habas na quarrying na pinalala ng pandarambong at kapabayaan ng pamahalaan ang matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Tino sa lalawigan ng Cebu na ikinasawi ng hindi bababa sa 48 katao, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Ayon kay Cebu Governor Pamela Baricuatro, ito na ang pinakamatinding pagbaha sa kasaysayan ng lalawigan.

Sinabi ng KMP na ang hindi pa nararanasang pagbaha sa buong lalawigan ay nagpapakita ng panganib ng walang regulasyong quarrying.

“Hindi likas na sakuna lamang ang sanhi ng mga pinsalang ito kundi bunga ng dekadang pagkasira ng kalikasan,” pahayag ni KMP Chairperson Danilo Ramos.

Kinompirma ni Ramos ang naunang pahayag ng Cebu City Council na nagsabing ang walang patid na quarrying sa mga upland barangay ang sanhi ng pagbaha sa mga mabababang lugar tulad ng Metro Cebu, Cordova, San Francisco, Catmon, Danao City, Talisay City, at Tudela.

Ang dolomite—na ginagamit sa konstruksyon, bilang pampabuti ng lupa, at sa industriya bilang pinagkukunan ng magnesium para sa paggawa ng salamin, bakal, at kemikal—ay malawakang kinukuha sa isla ng Cebu. Kabilang sa mga kumpanyang nagmimina rito ay ang Dolomite Mining Corporation (DMC), Philippine Mining Services Corporation (PMSC), Apo Land and Quarry Corporation, Apo Cement, Taiheiyo Cement, Century Peak Cement, Mabuhay Filcement Inc., Republic Cement, at Eagle Cement.

Nagkaroon na ng mga pagguho sa mga quarry site sa nakaraan, ang pinakahuli ay noong nakaraang buwan kung saan isang 18-anyos na manggagawa ang nasawi sa Camotes Island.

Ang pinakamalaking trahedya na may kaugnayan sa dolomite quarrying ay naganap noong Setyembre 2018 sa Lungsod ng Naga, kung saan 78 katao ang nasawi at lima ang nawawala.

Noong Hulyo, pansamantalang sinuspinde ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu ang lahat ng operasyon ng quarrying para sa pagsusuri.

Ngunit ayon sa KMP, sa kabila ng mga kautusan mula sa lokal na pamahalaan, nananatiling laganap ang quarrying sa Cebu.

May mga operasyon ng quarrying sa mga bayan at lungsod tulad ng Asturias, Balamban, Bogo City, Carcar City, Dalaguete, at Toledo City kung saan kinukuha ang limestone, buhangin, at graba para sa konstruksyon.

Binigyan diin ng KMP, ipinapakita ng pinakahuling sakuna kung paanong ang dekadang operasyon ng quarrying—malawakang paghuhukay ng lupa, pagputol ng bundok, at pagkasira ng watershed—ay nag-iwan sa maraming komunidad ng matinding panganib sa landslide at pagbaha.

Dagdag pa ng grupo, pinalala ng matinding pag-ulan mula kay Bagyong Tino ang mga panganib na ito.

Ayon sa PAGASA, nagbuhos si Tino ng 183 mm ng ulan—katumbas ng halos isa’t kalahating buwan ng ulan para sa Nobyembre.

Hiniling ng KMP na panagutin ang mga malalaking operator ng quarrying sa Cebu at ipatupad ang pangmatagalang rehabilitasyon ng mga watershed upang maprotektahan ang mga komunidad.

Nanawagan din ang grupo sa pambansang pamahalaan na pag-isipan ang pagbabawal sa mapanirang quarrying at bigyang-priyoridad ang mga rehabilitasyong pinangungunahan ng komunidad.

Hindi Epektibo at Kadudadudang Flood Control Projects

Binatikos din ng grupo ang mga flood control project sa lalawigan, na anila’y hindi epektibo at puno ng anomalya.

“Malala na nga ang ulan at baha dahil kay Tino, pinalala pa ng mga ghost, substandard, at hindi natapos na flood control projects,” ayon sa KMP.

Batay sa datos, mayroong 414 flood control projects sa lalawigan sa ilalim ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr.

“Sa 6th District ng Cebu (Lapu-Lapu City, Mandaue City, Consolacion, Cordova), may P7.3 bilyon na flood control projects mula 2022 hanggang 2025 na binubuo ng 87 proyekto,” dagdag ng grupo.

Kabuuang P25.521 bilyon ang inilaan para sa flood control projects sa Cebu sa ilalim ni Marcos, ayon sa KMP.

Sa Cebu City lamang, P3.8 bilyon ang nagastos sa loob ng tatlong taon. | via KODAO PRODUCTIONS

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *