Fri. Feb 13th, 2026

TINIYAK ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na bubuo ng task force ang kanyang tanggapan para imbestigahan ang mga flood control projects sa Las Pinas, partikular ang 11-kilometrong River Drive project mula Las Pinas hanggang Bacoor City, Cavite.

Inihayag ni Remulla na iimbestigahan ang naging benepisyo ng mga ari-arian ng pamilya Villar sa naturang mga proyekto.

“Yung sa Villar, we may be putting up another task force for the River Drive and flood control of Las Pinas , Bacoor-Las Pinas area. Kasi andun yung mga lupa na nag-benefit dyan eh. They’re the lot owners also that benefited from that. So, we have to look at that also, ani Remulla sa joint press briefing ng Ombudsman, Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Justice (DOJ).

“We’ll be forming a new task force for the Zapote River Drive together with the Bacoor properties, boundaries for the rivers dinaanan ng river improvements in that area. That’s one thing that, kapag taga roon ka, dumaan ka, alam mo kanilang lupa ‘yun,” dagdag ng Ombudsman.

“Nakita mo yung river wall, tanong mo, “Sino ba gumastos, gobyerno o sila?” Ganun ka-simple yun, it’s as simple as that so we will determine that later on.Sa costing ng project na nangyari roon.”

Ipinaliwanag ni Remulla na sa multi-bilyong piso ang halagang River Drive Project, karamihan sa mga dinaanan nito ay properties ng mga Villar.

“Yung River Drive, it’s a multi-billion peso project or projects na nangyari. The Rive Drive spans from Bacoor to Muntinlupa yan eh, passing through Las Pinas, mahaba yan eh. 11 kilometers yung road. And then yung perimeter nyan, Villar properties ang marami. North and South boundaries. So Muntinlupa to Bacoor, meron talaga kaya kailangan talaga pag-aralan ng specialized group yan that are dedicated. It should have been done a long time ago,” aniya.

Giit ng Ombudsman, kailangan makipagtulungan ang mga Villar sa imbestigasyon ng task force.

Napaulat na pinondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act mula 2011 hanggang 2022, nahati ang proyekto sa ilang bahagi:

Phase 1: ₱2.42 bilyon para sa Zapote River Drive, mula C-5 Extension sa Pulanglupa I hanggang Evia Lifestyle Center sa Almanza Dos.

Phase 2: ₱120.76 milyon para sa Las Piñas River Drive, mula C-5 Extension hanggang CAA Road; natapos noong 2019.

Phase 3: Patuloy ang konstruksyon ng Molino River Drive sa Bacoor, Cavite.

Sa pananalasa ng magkakasunod na bagyo noong Hulyo 2025 ay nilamon ng baha ang kalye matapos umapaw ang tubig sa Zapote River Drive sa Brgy. Pulanglupa Dos.

Ang proyekto, inilunsad noong 2012 ni dating Sen. Cynthia Villar bilang bahagi ng ₱2.5-B flood control plan. Kasama sa pagpapatupad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng dating kalihim Mark Villar, at sinuportahan ni dating Las Pinas Cong. Camille Villar.

Ngunit kahit natapos na ito noong 2022, patuloy pa ring binabaha ang mga residente malapit sa ilog tuwing malalakas ang ulan at may bagyo.

Negosyong konektado sa mga proyekto ng gobyerno

Mula itayo ito noong 2012 bilang flood control project, matatagpuan ngayon ang Villar Sipag Farm School, Villar Football Island Field, Villar Children’s Farm, at ang Dear Joe Café.

Ang kalsadang ito ay hindi lamang nagsilbing flood protection—ito rin ang nagbukas ng direktang access sa Portofino Heights, isang high-end subdivision na bahagi ng Vista Land ng pamilyang Villar.

Ang River Drive ay nagtatapos sa Daang Hari, eksakto sa tapat ng Evia Lifestyle Center, isa ring mall na pag-aari ng pamilya.

Ang ikalawang bahagi ng proyekto—ang Las Piñas River Drive—ay dumaraan naman sa isa pang branch ng Dear Joe Café sa Barangay Pulanglupa Uno. Konektado rin ito sa kalsadang papunta sa Floriad Lifestyle Mall sa C-5 Extension—isa pang Villar-owned development.

Hindi rin ikinaila ni dating Sen. Cynthia Villar na sila rin ang nagmamay-ari ng dalawang kontrobersyal na tulay—ang Cavite Bridge at ang Dear Joe Bridge—na parehong nag-uugnay sa Las Piñas patungo sa pribadong subdivision sa Bacoor, Cavite.

Kapwa itinayo sa panahong si Mark Villar ang kalihim ng DPWH sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Inaabangan ng mga taga-Las Pinas kung lalabas sa imbestigasyon ng task force ni Remulla ang posibleng conflict of interest, at ang pattern ng land use, access roads, at flood control infrastructure ng lokasyon ng mga proyektong ito ay pumabor sa mga negosyo ng pamilya Villar. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *