Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Linggo tungkol sa posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) attack, isang uri ng cyberattack, sa darating na Miyerkules, Nobyembre 5, 2025.
Sa isang post sa social media, sinabi ng DICT na kanilang imo-monitor ang posibleng DDoS o “traffic flood,” kung saan maraming device ang sabay-sabay na umaatake sa isang system, server, o network upang pabagalin ito, gawing hindi matatag, o tuluyang hindi ma-access ng mga gumagamit.
“Dahil dito, pwedeng bumagal o hindi agad mag-load ang ilang websites o apps. Pero kalma lang dahil hindi ito data breach. Walang mananakaw na personal accounts, data o pera,” ayon sa DICT.
Mga Paalala ng DICT sa Netizens:
– Subukang muli ang website o app makalipas ang ilang sandali
– Gamitin ang opisyal na app o status page
– Sundan ang mga beripikadong update
– Iwasan ang pakikilahok sa ilegal na online attacks
Para sa mga insidente, maaaring mag-report sa [email protected] o tumawag sa hotline 1326
Sa ilalim ng Oplan Cyberdome, nakikipagtulungan ang DICT sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center, National Telecommunications Commission, mga ahensyang nagpapatupad ng batas, at iba pang stakeholders upang tugunan at protektahan ang mga online platform.
Aktibo rin 24/7 ang National Computer Emergency Response Team ng DICT upang mag-monitor at tiyaking ligtas ang digital space.
Paalala ng DICT sa publiko: Maging alerto, kalmado, at responsable sa paggamit ng internet. # (RRN)