Fri. Feb 13th, 2026

Hinimok ng IBON Foundationang administrasyong Marcos Jr. na pangalanan ang mga mambabatas na sangkot sa umano’y sistematikong katiwalian sa mga proyekto ng flood control, sa halip na magbigay ng palusot.

Ayon sa grupo, malinaw ang datos mula sa “Sumbong sa Pangulo” database na may 105 hanggang 226 miyembro ng Kamara na posibleng sangkot sa mga kahina-hinalang proyekto.

Batay sa datos, sa kabuuang 9,759 flood control projects na nagkakahalaga ng ₱540.4 bilyon, tinukoy ang 2,012 proyekto (20.6%) na may kahina-hinalang clustering sa ilalim ng ₱50 milyon at ₱100 milyon na threshold.

Ang mga proyektong ito ay matatagpuan sa 105 hanggang 226 legislative districts at may kabuuang halaga na ₱112 bilyon.

Kapansin-pansin din ang paulit-ulit na eksaktong halaga ng proyekto, mga numero na tila artipisyal, at clustering na estadistikang imposibleng mangyari nang walang sabwatan.

“Looking at the 9,759 flood control projects worth p540.4 billion shows that anywhere from 105 to 226 House members may be implicated in suspicious spending – projects with repeated exact costs, conspicuous clustering just below P50 million and P100 million thresholds., and rounded artificial-looking values,” anang IBON sa paskil sa Facebook.

Ayon sa IBON, ang mga anomalya ay indikasyon ng sistematikong sabwatan sa pagitan ng mga kontratista at mga mambabatas.

Tinukoy rin ang presensya ng 800 hanggang 900 kontratista sa 74 na probinsya, na patuloy na nakikinabang sa mga proyekto anuman ang partido ng nakaupong administrasyon.

“These anomalies span 74 provinces and involve some 800-900 contractors, many of whom operate regardless of political party affiliations,” anang grupo.

Binatikos ng IBON ang umano’y anti-corruption drive ng administrasyong Marcos Jr., na anila’y nagiging paraan lamang upang panatilihin ang bulok na sistema sa halip na buwagin ito.

Dagdag pa nila, ang pagtukoy sa mga pangalan ay hindi trial by publicity kundi unang hakbang sa pananagutan na suportado ng datos.

“Power shifts, corruption stays,” giit ng IBON, na tumutukoy sa pagpapatuloy ng patronage networks mula sa administrasyong Duterte hanggang sa kasalukuyang pamahalaan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *