Fri. Feb 13th, 2026

📷: The Varsitarian | FB

 

Isang Tomasinong estudyante ng Philosophy ang naglabas ng matapang na salaysay sa Facebook hinggil sa umano’y “pinakamasamang karanasan” niya sa isang research colloquium na ginanap sa University of Santo Tomas (UST), na tinawag niyang “propaganda ng estado na nakabalot sa anyong akademiko.”

“Buong forum, pinilit kong intindihin ang mga punto nila, pero habang tumatagal, literal na nasusuka ako,” sabi ni Raven Kristine Racelis sa Facebook post hinggil sa kanyang pagkadismaya sa forum na aniya’y “hindi tunay na pananaliksik kundi makinarya ng propaganda ng pasistang estado.”

“Hindi ako bobo. Hindi ako ‘na-groom.’ Isa akong Philosophy student na marunong magbasa ng konteksto at makaintindi ng ideolohiya,” ani Racelis.

Bagama’t sinabi ng UST na hindi na bahagi ng forum ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), binanggit ni Racelis na kabilang sa mga tagapagsalita sina Jose Joel Egco, na may kaugnayan sa NTF-ELCAC, at Arian Ramos, isang dating rebelde na ngayo’y ahente ng nasabing ahensya.

“Excuse me? We do background checking at hindi niyo kami malilinlang,” giit niya.

Aktibismo, Itinuring na “Terror Grooming’

Isa sa mga pinuna ni Racelis ay ang pag-frame ng mga educational discussions ng mga mass organizations bilang “ideological grooming.”

Aniya, ipinakita sa mga slides ang mga larawan ng rally at aktibista na may hawak na placards ng Kabataan Partylist.

“Paano naging ‘terror grooming’ ang pag-aaral tungkol sa kahirapan, kasaysayan, at tunggalian sa lipunan? Since when did critical thinking become a crime?” tanong niya.

Kabataan, Binansagang Mahina sa Paninindigan

Tinuligsa rin ni Racelis ang paliwanag ng huling speaker, si Dr. Reyes, na ang mga kabataang sumasapi sa mga grupong tinatawag na “terorista” ay dahil sa “broken family” o “malungkot sa buhay.”

“Gano’n kababaw ang tingin nila sa kabataan, parang wala kaming kakayahang mag-isip, magmahal sa bayan, o pumili ng paninindigan,” aniya.

Pagtindig sa Open Forum

Sa open forum, nagsalita si Racelis upang hamunin ang mga tagapagsalita na sagutin ang mga tanong ukol sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa.

“Ano ba ang ugat ng armadong tunggalian? At kung pag-uusapan natin ang terorismo, let’s talk about the terrorism of the state,” ani Racelis, sabay banggit sa mga kaso nina Jhed at Jonila, mga climate justice activists, at kay Fr. Paez, isang Tomasinong pari na pinaslang habang naglilingkod sa mga magsasaka.

 Walkout at Red-Tagging

Matapos ang kanyang talumpati, nagdesisyon si Racelis na mag-walkout. Ngunit bago siya umalis, tinawag umano siyang “komunista” ng isa pang estudyante.

“Ayan, ‘yan mismo ang bunga ng ganitong klaseng programa nila. Ganiyan ang mga natututunan ng estudyante sa mga ganitong pa-forum ng estado,” aniya.

Tinuligsa rin niya ang pahayag ng department chair na “wala namang na-red tag na Thomasian.”

“Really? Eh ano tawag n’yo sa akin? Multo?” tugon niya.

Panawagan para sa Tunay na Diskurso

Sa pagtatapos ng kanyang salaysay, iginiit ni Racelis na hindi siya mananahimik sa harap ng aniya’y “state terror disguised as academic discourse.”

“Hindi ko tatawaging ‘academic discourse’ ang forum na nagtuturo sa kabataan na matakot pag-aralan ang bayan at makipamuhay sa mga masang anakpawis,” aniya.

“This is not research forum. This is indoctrination of fascist state narrative. This is in academic form of red-tagging. This is state terror. And I refuse to sit quietly in the face of it.” (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *