📷 : Pagkawasak sa Isabela matapos ang Hagupit ng Supertyphoon Uwan | Altermidya
Lumabas na ng Luzon ang Supertyphoon Uwan (Fung-Wong) matapos nitong hagupitin ang lalawigan ng Aurora at ilang bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera, at Ilocos Region, na nagresulta sa dalawang nasawi.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Assistant Secretary Raffy Alejandro sa isang briefing nitong Lunes ng 6:30 AM, isang residente ng Vigan City, Ilocos Sur ang nalunod, habang isa pa ang nasawi matapos gumuho ang isang istruktura sa Catbalogan City, Samar noong Linggo.
Tumama ang bagyo sa Dinalungan, Aurora dakong 9:10 PM na may lakas ng hangin na 185 km/h (115mph) at bugso na umaabot sa 230 km/h (143mph).
Nagsimulang humina ang malalakas nitong hangin nang tumama ang eye wall sa kabundukan ng Sierra Madre sa Luzon.
Bilang pinakamalakas na bagyo sa Pilipinas ngayong taon, lumabas ito ng Luzon bago magbukang-liwayway sa pamamagitan ng lalawigan ng La Union.
Sa ulat ng OCD, tinatayang 1.4 milyong indibidwal o 426,000 pamilya ang lumikas mula sa National Capital Region, Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, MiMaRoPa, Bicol, Eastern Visayas, Central Visayas, at Negros Island Region.
Batay sa datos ng Department of Interior and Local Government (DILG), sinabi ng OCD na 6,000 evacuation centers ang tumanggap ng 318,000 evacuees bago tumama ang bagyo.
Hanggang nitong Lunes ng umaga, nakatanggap ang OCD ng ulat na nasa 1,000 bahay ang nasira dahil sa malalakas na hangin at storm surge sa mga apektadong rehiyon.
Ipinahayag ni Alejandro na may mga ulat na natanggap ukol sa nasirang imprastruktura at pinsala sa agrikultura, ngunit kasalukuyan pa itong bineberipika.
Dagdag pa niya, 132 barangay ang binaha, at ang mga baybaying-dagat na malapit sa dinaanan ng bagyo ay nakaranas ng storm surge.
Iniulat din ng OCD na ang hilagang bahagi ng Aurora ay na-isolate mula sa natitirang bahagi ng lalawigan dahil sa mga landslide.
Kasama ang Department of Social Welfare and Development, handa na umano ang OCD na mamahagi ng P2.6 bilyong halaga ng pagkain sa mga apektadong lugar. | via KODAO Productions