Fri. Feb 13th, 2026

📷: Protect Sierra Madre for the People – PSM

 

Matapos ang pananalasa ng mga bagyo, nanawagan ang grupong Protect Sierra Madre for the People (PSM) sa publiko at pamahalaan na kilalanin ang kahalagahan ng kabundukang Sierra Madre hindi lamang tuwing may kalamidad, kundi bilang pang-araw-araw na panangga laban sa sakuna.

Sa kanilang pahayag sa Facebook, binigyang-diin ng PSM na ang Sierra Madre ang pangunahing natural na depensa ng bansa laban sa mga bagyo, pinapahina nito ang lakas ng hangin at ulan, pinipigilan ang pagguho ng lupa, at nagsisilbing recharge zone para sa mga ilog at bukal sa Luzon.

Gayunman, binalaan ng grupo na araw-araw ay unti-unting nasisira ang Sierra Madre dahil sa malalaking proyektong pang-ekonomiya. Ang quarrying at pagmimina ay nagdudulot ng malawakang pagkakalbo ng kagubatan, pagkasira ng biodiversity, at polusyon sa tubig dulot ng sedimentation at kemikal.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang PSM sa pagtatayo ng mga dambuhalang dam gaya ng Kaliwa, Kanan, Laiban, Wawa-Violago, at Ahunan na maaaring magresulta sa sapilitang pagpapalikas ng mga komunidad, pagbaha sa mga sakahan at tirahan, at pagkaputol ng mga daluyan ng ilog na mahalaga sa ekosistema ng Sierra Madre.

“Ang mga proyektong ito ay ipinipilit sa ngalan ng ‘kaunlaran,’ ngunit sa katunayan, lalo nitong pinapalala ang krisis sa klima at inilalagay sa panganib ang kabuhayan ng mamamayan,” ayon sa grupo.

Muling iginiit ng Protect Sierra Madre for the People ang kanilang panawagan na pangalagaan ang kabundukan—hindi lamang para sa kalikasan kundi para sa kaligtasan at kinabukasan ng mga komunidad. (JCNE)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *