Fri. Feb 13th, 2026

📷: Pamalakaya Navotas | FB

Imbes na maayos na paghahanda sa sakuna, mga plywood at sandbags lamang ang itinapal ng gobyerno sa baybayin ng Manila Bay bilang proteksyon sa inaasahang pananalasa ng SuperTyphoon Uwan kaya’t lubhang naapektuhan ng matinding pagbaha ang mga libu-libong mangingisda.

Sa paskil sa Facebook, tinuligsa ng grupong Pamalakaya bilang isang hakbang na palpak at hindi sapat ang ginawa ng pamahalaan kaya’t muling naramdaman ng mga residente ng Navotas, lalo na ang mga mangingisda sa baybayin, ang matinding epekto ng Uwan at ng reklamasyon sa Manila Bay.

Giit ng grupo, pinalala pa ng reklamasyon ang epekto ng bagyo, bagay na matagal nang sinasabi ng mga eksperto at komunidad ng mangingisda.

Bukod sa pinsala sa kalikasan, binatikos din ang umano’y korapsyon sa mga flood control projects na nagdudulot ng paglustay sa pondo ng bayan.

Dahil dito, nananawagan ang mga mangingisda na itigil ang mga mapanirang proyektong reklamasyon at panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa korapsyon.

“Malinaw na walang aasahan sa bulok na gobyerno sa ilalim ni Bongbong Marcos Jr., kaya ngayon, higit kailanman, dapat palakasin ang panawagan upang magkaisa ang mga mangingisda at wakasan ang bulok na burukrata-kapitalistang sistema ng pamamahala sa bansa,” anang Pamalakaya. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *