Isang dating pangulo ng bansa at isang kasalukuyang senador ang umano’y kumausap kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para idawit ng dating kongresista sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romuladez sa P100-B insertions sa 2025 national budget, ayon kay dating Presidential Political Adviser Ronald Llamas.
“May tsismis kasi na a former president and a present senator ay kinausap siya. Tsismis lang naman. May ganun klaseng angle, may ganun klaseng possibility “We can protect you. You can keep your loot. Hindi ka makukulong but you have to do this for us,” sabi ni Llamas sa Richard Heydarian podcast.
“Parang ang dating, he was thrown under the bus. Parang may axe to grind siya. So nakita yun na opening para rito sa isang senador, at isang president na tumawid. Dati naman si Zaldy Co ay malapit naman yan sa isang senator at dun sa former president kaya hindi naman ito naging mahirap to establish ties,” dagdag ni Llamas.
“Kung ikaw ay wala ka naman ideology, prinsipyo, madaling bumaligtad, di ba?”
Noong 2010 ay naghain ang Bayan Muna ng disqualification case laban sa Ako Bicol Partylist dahil prente umano ito ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Batay sa mga ulat, lumago ng husto ang mga negosyo ni Co mula noong administrasyong Arroyo hanggang Duterte at Marcos Jr. regime.
Noong Huwebes o bisperas ng unang video expose ni Co ay isiniwalat ni Sen. Imee Marcos na ang dating kongresista ang very important witness na dadalo sa Senate Blue Ribbon Committee noong Biyernes via Zoom ngunit hindi ito nangyari, bagkus ay ipinaskil ng kongresista ang kanyang pagbubunyag sa kanyang social media page. (ROSE NOVENARIO)