Fri. Nov 22nd, 2024

📷Sina dating National Press Club president Benny Antiporda (kaliwa) at PTFoMS chief Paul Gutierrez (kanan) kasama si dating Pangulong Joseph Estrada (gitna)

 

IDINAWIT ng isang dating Customs intelligence officer sina Davao City Rep. Pulong Duterte, Atty, Mans Carpio,Michael Yang, Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) chief Paul Gutierrez at dating National Press Club President Benny Antiporda sa pagpuslit ng P6.8-B halaga ng shabu na nakatago sa magnetic lifters noong 2018.

Sa kanyang pagharap sa quad committee hearing sa Mababang Kapulungan ay isiniwalat ni Jimmy Guban, dating intelligence officer ng Bureau of Customs, na  bahagi siya ng pangkat na nakasakote ng P6.8-B halaga ng shabu loob ng magnetic lifters sa Manila international Container Port (MICP) na ipinuslit ng Vecaba Trading noong  2018.

Matapos aniya ang matagumpay na operasyon ay nakatanggap siya ng mga tawag at mensahe na humihiling na i-release niya ang magnetic lifters dahil ito umano ay pagmamay-ari nina Pulong, asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans at dating presidential economic adviser Yang.

Pumihit aniya ang sitwasyon, napalitan ng takot ang galak niya sa malaking accomplishment dahil bago siya humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noon ay tinawagan siya ni Tess Mangawang, isang deputy collector ng Bureau of Customs.

“The night before the Senate Blue Ribbon Committee may  tumawag sa akin, hindi ko kilala, nag-ring ang cellphone another ring may kasabay na text nagpakilala si Ms. Mangawang. Ms. Mangawang is our deputy collector during that time sa Port of Manila, nagpakilala siya pero hindi ko siya kaibigan, nagpakilala as an employee of the bureau,” ani Guban.

“Sinabi niya, tumatawag sa iyo si Pareng Benny, kausapin mo. Si Pareng Benny. I am referring to Mr. Benny Antiporda. Kausapin mo kung ano ba ang magagawa sa kargamento. Sinagot ko agad siya,,”Madame sorry trabaho huli na yan. Accomplishment yan.”

Laking gulat ni Guban nang pagdating sa Senate Blue Ribbon Committee hearing ay “cited in contempt” siya kaya’t idinetine siya sa isang silid.

“Your honors, pagdating po sa Senado sa Blue Ribbon Committee, I was cited in contempt.Dinala ako agad sa kuwarto, gusto kong magpahinga, Tiningnan ko kung ano ang puwede kong magawa dahil mali pala ang magtrabaho ng tama,” kuwento ni Guban.

“May sumunod po sa akin na kumatok sabi ko kung may tutulong sa akin magpakilala na taga-Blue Ribbon ito, babae. Sana po makuha natin ang CCTV. Nakita ko po staff ng Blue Ribbon. May sumunod po sa kanya na pumasok, tuloy sa kuwarto ko tuluy-tuloy po akong itinuturo, dinuduro, Jimmy kapag binanggit mo ang pangalan na ito ,kapag binanggit mo ito mamamatay ka.”

Pinagbantaan umano siya ng lalaki,” Lalo na kung makarating ka sa Pasay City Jail. Di tatagal ang buhay mo. The worst, Your honors, isinabay pa niya ang anak ko. Alam naming kung saan ang anak mo, sa Makati. Madali kidnapin yan.”

“Alam nyo ba kung sino ang ayaw na ayaw niyang ipabanggit na halos doon pa lang ay gusto na akong sipain, bugbugin, . Si Pulong, si Mans, si Michael Yang. At ang sabi pa niya, mga kaibigan iyan ni Benny Antiporda. Magkakasama yan, iisang pamilya yan. Hindi mo ba alam, lagi yan sa Malakanyang. Opisyal pa yan ng National Press Club. Si Michael Yang, doon ko nga rin lang nalaman,” wika ni Guban.

Sa sandalling iyon, giit ni Guban, ay nakompirma niya ang kawastuhan ng kanilang intelligence report hinggil sa shabu shipment.

Kaugnay nito, naniniwala si House dangerous drugs panel chairman at Surigao del Norte Rep. Ace Barbers na sa ngayon, ang testimonya ni Guban ay bahagi lamang ng isang puzzle.

“His testimony is something new and would more or less relate to our theory that the illegal drugs are linked to other crimes, like money laundering. Look at his testimony: illegal drugs were slipped in containers (magnetic lifters), and there are people enabling it,” sabi ni Barbers.

“You know, he never thought twice in saying who these people are, which was contrary to how he did testify before the Senate Blue Ribbon Committee [in 2018]. This is still a puzzle, and we do hope that during the next hearing, we can put the pieces of the puzzle [together],” dagdag niya.

Isiniwalat din ni Guban na habang nasa kustodiya siya ng National Bureau of investigation ay hinikayat siya ng isang opisyal ng kagawaran na “malakas” daw kay noo’y Justice Secretary Menardo Guevarra na isangkot si dating Sen. Antonio Trillanes IV sa shabu shipment, ngunit siya’y tumanggi.

Isang business dummy, ani Guban, ang nagsilbing consignee ng kontrabando.

“Kami po ang nanghuli. Ano ang partikular na batas na na -violate ko? Conspiracy to import? Or ‘yun ang grand conspiracy na linisin ko ang pangalan ng First Family at si Michael Yang para pagsalitain pa ako at papirmahin na ang kasama doon sa importation isang pulitiko na kalaban nila na hindi ako pumayag dahil sabi ko walang alam yan,” aniya.

Aminado si Guban na hindi niya personal na nakaharap sina Pulong, Mans at Yang ngunit ang impormasyon ay nakuha niya mula sa Davao Councilor Nilo “Small” Abellera.

“Ako’y naniniwala sa statement ni Jimmy Guban. Bakit po? Itong si Small is very close, councilor po ito sa Davao and he is very close to the personalities na binanggit ni Jimmy Guban. In that note, i really believe his statements,” ayon kay Rep. Johnny Pimentel, 2nd District Surigao del Sur.

Pormal na binawi ni Guban sa Manila Regional Trial Court  ang nauna niyang pahayag na nag-uugnay kay Col. Eduardo Acierto sa  shabu shipment kung saan nahatulan siyang guilty sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Nakapiit si Guban sa New Bilibid Prison habang dinidinig ang kanyang apela sa kaso.

Hiniling niya na maipasailalim sa Witness Protection Program (WPP) at mailagay sa kustodiya ng Mababang Kapulungan na pinayagan ng House quad committee.

“Tignan natin if we can further expound on whatever he has especially kung ano ebidensya. Definitely kung itoy walang ebidensya hindi po natin ititreat na mabigat… kasi mabigat na akusasyon ito,” sabi ni Barbers. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *