📷Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas
IPINAALALA muli ng Gabriela Women’s Partylist kay Sen. Robin Padilla na hindi sexual objects ang kababaihan at walang palusot o batas na maaaring gamitin upang balewalain ang pagpayag ng bawat panig ng magkarelasyon o mag-asawa.
Pahayag ito ni Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas kay Padilla kasunod ng opinyon ng senador na obligasyon ng misis na kagyat na pagbigyan ang sekswal na pangangailangan ng kanyang mister.
“His claim that men have sexual rights simply because they’re ‘in heat,’ likening them to dogs, is a troubling reinforcement of macho-patriarchal views. Perhaps it’s time for him to sit, stay, and educate himself on women’s rights” sabi ni Brosas
Aniya, kailangang dumalo sa anti-violence against women and children (VAWC) seminars  si Padilla at turuan ang sarili sa karapatan ng kababaihan kasunod ng hindi niya paghingi ng tawad sa mga insensitive na pananalita tungkol sa pagpayag sa loob ng kasal.
Binigyang-diin ng partido ang nakabahalang katangian ng naturang mga pahayag, lalo na mula sa isang taong nasa posisyon na makaimpluwensya sa mga pambansang batas.
Ipinahiwatig kamakailan ng senador ang planong maghain ng resolusyon sa umano’y mga pang-aabuso ng New People’s Army, na nagsasangkot ng mga miyembro ng Gabriela.
Hinimok siya ni Rep. Brosas na palawakin ang imbestigasyon upang maisama ang talamak na mga kaso ng panggagahasa at sekswal na karahasan na ginagawa ng mga lalaking naka-uniporme sa mga rural na lugar.
“Napakaraming kaso ngayon ng mga pulis at sundalo na nang-aabuso ng kababaihan tulad na lang ng nangyari kay Catherine Camilon, Fabel Pineda, at marami pang iba. Dapat itong tutukan ng mga mambabatas,” ani Brosas.
“We advise Senator Padilla to issue a genuine public apology and commit to understanding the plight of women and other marginalized sectors. Dapat maalam ang mga mababatas hinggil sa karapatang pantao, at hindi tagapagtaguyod ng maling impormasyon,” giit ng kongresista.
Magpapanukala ang Gabriela Women’s Party ng mga pagbabago sa Anti-Rape Law para matiyak na ang mga biktima ng panggagahasa ay makakatanggap ng hustisyang nararapat sa kanila sa ilalim ng batas.  (ROSE NOVENARIO)