Fri. Nov 22nd, 2024

NAGHAIN ang Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) ng panukalang ordinansa para ideklarang “red-tagging free” ang City of San Jose del Monte sa Bulacan matapos makipag-dayalogo sa City Mayor’s Office hinggil sa nagpapatuloy na operasyong militar ng 80th IB-PA sa mga komunidad ng magsasaka, gayundin ang kanilang mga laban sa lupa.

Ayon sa kalatas ng AMB, nakipagdayalogo ang SJDM City Mayor’s Office sa kanilang grupo noong 13 Agosto 2024 bunsod ng kanilang pangamba at pagkabalisa dulot ng presensya ng mga sundalo.

Ibinahagi ni AMB Chairperson Cecil Rapiz na dumaranas siya at kanyang pamilya ng trauma dahil sa mga nagaganap.

Maging ang iba pang magsasaka ay apektado na rin at  maging ang kanilang pagtatanim dahil hindi na sila buong-layang makapunta sa kanilang mga sakahan at pastulan.

“Mula sa City Mayor’s Office, kinilala ni Atty. Miguel San Pedro ang paglaganap ng takot o “chilling effect” dahil sa ginawang reyd at pagbabahay-bahay ng 80th IB noong Hunyo 18 – na hindi man lang ipinagbigay-alam sa lokal na gobyerno,” sabi ng AMB.

Anang AMB, sinang-ayunan ni San Pedro na hindi dapat takutin ng mga sundalo ang mga magsasaka at iba pang residente.

“Habang nagaganap ang dayalogo, napa-ulat na dalawang sasakyan ng mga sundalo ang pumasok at nagkampo sa Baryo Bisaya sa Bgy. Tungkong Mangga. Muli, hindi man lang ito ipinaalam sa pamahalaang panlunsod,” anang AMB.

Sinabi umano ng 80th IB, ang mga aktibidad nito sa lugar ay para sa “intelligence gathering” at “security visibility”.

“Pero ayon mismo sa mga magsasaka, hindi seguridad kundi takot ang dala ng mga sundalo, lalo sa ginagawa nitong red-tagging sa kanilang mga samahan at pagbibintang sa kanila bilang mga terorista.”

Giniit ng mga magsasaka na legal at lehitimo ang kanilang mga samahan, na binuo nila para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa, kabuhayan, at tirahan.

“Ipinanawagan nilang paalisin na ang mga sundalo sa kanilang komunidad. “

Kabilang sa mga natalakay sa ay panawagan na paalisin ang mga sundalo sa kanilang komunidad, ang mga tangkang pangangamkam sa lupang sakahan at tirahan ng mga magsasaka.

“ Ibinahagi ni Redo Pena ng AMB ang ginawang ilegal na demolisyon sa kanilang bahay at marahas na pagpapalayas ng mga gwardya ni Greggy Araneta.”

Si Araneta ay asawa ni Presidential Sister Irene Marcos-Araneta at may-ari ng Carmel Development Inc. (CDI), ang kompanyang nangangamkam sa Pangarap Village sa Brgy. 181 sa Caloocan City. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *