MARIING kinondena ng Kabataan Partylist ang pananakot ng mga ahente ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kay Paolo Tarra, isang student leader ng DLSU-Dasmariñas at kanyang pamilya, na ang ikinatuwiran ay puwede siyang sampahan ng kasong terorismo dahil naging bisita siya ni Rep. Raoul Manuel sa 2024 State of the Nation Address (SONA).
“Muntik nang tanggalin si Paolo bilang estudyante sa DLSU-Dasmariñas dahil lang sa paggunita sa EDSA kasama ang iba’t ibang organisasyon ng kabataan. Ngayon, inaatake siya ng NTF-ELCAC dahil sinisiwalat niya ang sistematikong panunupil sa mga estudyante sa anyo ng mga tiranikong handbook, gawa-gawang kaso, at mismong panghihimasok ng militar at NTF-ELCAC. Binitbit iyan ni Paolo sa pambansang entablado sa nakaraang SONA bilang panauhin ko,” sabi ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.
“Ganito ba ka-threatened si Marcos Jr. sa isang estudyante na nagpapahayag ng katotohanan? Marching order ba niya sa NTF-ELCAC na tugisin at pagbantaan si Paolo sa kanilang bahay paglipas ng SONA? Sana di na maulit ang pagpapapatay kay Archimedes Trajano noong Batas Militar dahil lang kinwestyon niya ang mga Marcos,” dagdag ni Manuel.
“Malinaw na ang Anti-Terror Law ay armas para patahimikin ang mga kabataan at dapat ibasura na ito. Dapat buwagin na rin ang NTF-ELCAC na nagwawaldas ng pondo ng bayan sa paggamit ng Terror Law para atakehin ang mga patriyotikong estudyante. Itaguyod natin ang karapatan sa de-kalidad na edukasyon ng mga estudyante at ang kanilang constitutional rights para sa pakinabang ng bayan,” wika ni Manuel. (ROSE NOVENARIO)