📷 : CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola
Inakusahan ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste si CWS Partylist Rep. Edwin Gardiola na “nag-pre-order” ng mahigit ₱20 bilyong kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) bago pa man aprubahan ng Kongreso ang pambansang badyet para sa 2025. Ngunit iginiit niyang nahihirapan ang mga imbestigador na patunayan ang direktang ugnayan dahil sa limitadong access sa mga opisina at computer ng DPWH.
Sa isang press conference nitong Miyerkules, inilabas ni Leviste ang listahan ng mga proyekto mula sa tanggapan ni dating DPWH Undersecretary Cathy Cabral na may petsang Agosto 30, 2024.
Ang listahan, aniya, ay tumugma sa mga proyektong kalaunan ay na-award noong 2025 sa mga kumpanyang konektado kay Gardiola, kabilang ang S-Ang Construction & General Trading, Inc. na pag-aari ng pamilya ni Gardiola, at Readycon Trading and Construction Corporation.
Kabilang sa mga proyektong binanggit ang ₱514.25 milyong halaga ng kalsada sa Tuy, Batangas, at ₱280 milyon sa Calatagan. Ayon kay Leviste, ang mga kontratang ito ay “ipinanukala at ipinatupad para kay Gardiola,” batay sa mga opisyal ng DPWH.
“Before the budget is even completed, Cong. Gardiola was able to pre-order over ₱20 billion of projects from the DPWH. And again, the NEP is prepared by the DPWH, not Congress,” ani Leviste.
Sinabi ni Leviste na maaaring magsilbing “missing link” ang mga dokumento para sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Ombudsman upang patunayan ang bid-rigging.
Gayunman, ibinahagi niyang sinabi ng mga imbestigador na hindi sila binigyan ng malayang access sa mga opisina at computer ng DPWH.
“The lack of documentary evidence on proponents has made it difficult for them to link the proponents of projects to the contractors of projects,” dagdag ni Leviste.
Ayon kay ICI Commissioner Rogelio Singson, si Gardiola ang ikalawang pinakamalaking kontraktor ng DPWH sa bansa, kasunod ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co at bago ang mag-asawang Discaya.
Batay sa pananaliksik ng kanyang tanggapan, sinabi ni Leviste na ang mga kompanyang konektado sa pamilya ni Gardiola ay nakakuha ng tinatayang ₱42 bilyong halaga ng proyekto mula 2001 hanggang 2025 sa Batangas.
Nanawagan siya kina Cabral at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na ipaliwanag kung bakit ang listahan noong Agosto 2024 ay nag-grupo ng mga proyektong kalaunan ay napunta sa mga kontraktor na konektado kay Gardiola.
Aminado si Leviste na may suspetsa ang publiko na tila nakalulusot si Gardiola sa mga imbestigasyon ng DPWH kahit isa siya sa pinakamalaking kontraktor.
Gayunman, pinasalamatan niya ang Kongreso sa pagbibigay ng pagkakataon na magpatawag ng imbestigasyon at ang Ombudsman sa pagsisimula ng sariling pagsisiyasat.
Kasama ni Leviste sa press conference si dating Mataasnakahoy Mayor Jay Manalo Ilagan ng Batangas. (ROSE NOVENARIO)