Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ang task force ng kanyang tanggapan na nagsisiyasat sa mga proyektong umano’y konektado sa pamilya Villar ay nakakita ng “pinakamalawak” na pattern ng korapsyon na kanilang naimbestigahan.
Sa panayam sa Facts First with Christian Esguerra noong Linggo, Nobyembre 16, sinabi ni Remulla na nagsagawa na ng inspeksyon ang task force mula Las Piñas hanggang Cavite.
“Meron nung sinabi kong may task force ako sa Villar, gumagalaw na ’yun, gumagalaw na ’yun. Inikutan na nila. Umikot na sila ng Las Piñas hanggang Cavite. Inikutan na nila. Hindi kami tumitigil,” ani Remulla, na nagsabing nabigla ang mga beteranong imbestigador sa kanilang natuklasan.
“In the words of the person investigating na beterano na sa Ombudsman’s office, kinilabutan daw siya nung nakita niya ’yung dinaanan niyang mga lugar… Kasi hindi siya nakahanap ng ganoong ka-massive na gawain related to graft and corruption, the most massive that she has ever seen,” ani Remulla.
Kabilang ang conflict of interest at civil forfeiture sa mga kasong posibleng isampa laban sa mga Villar..
Mga Kalsada at River Wall Umano’y Para sa Ari-arian ng Villar
Ayon kay Remulla, ginamit ang pondo ng gobyerno upang magpatayo ng mga kalsada at river wall na direktang nakikinabang ang mga ari-arian ng pamilya Villar.
“May mga roads kasi ginawa talaga to benefit their properties. May mga river wall na ginawa to benefit their properties… ’yun pa rin. Napatunayan dito, tuloy-tuloy pala ’yan. Hindi pala tumigil,” aniya, tinukoy ang mga paratang na unang binanggit nina Lito Banayo at Ping Lacson noong 2010.
Nang tanungin ni Esguerra kung simpleng paggamit ng pondo ng gobyerno para sa pribadong real estate ang kaso, sagot ni Remulla:
“Yes. That’s a very simple way to say it, but it’s more complicated than that kasi pati Bangko Sentral pinasok nila, pati ’yung mga may conflicted na sila pinasok nila.”
PrimeWater, Kasama sa Imbestigasyon
Dagdag pa ni Remulla, iniimbestigahan din ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) ang PrimeWater, isang kumpanyang konektado sa pamilya Villar.
“Ang dami nilang pinasok na negosyo everywhere,” aniya, at binanggit na maging sa Cavite ay lumitaw ang maraming isyu. Biro pa niya, maaaring ito ang puntong magkasundo sila ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, na kilalang kritiko ng PrimeWater. (ROSE NOVENARIO)