Fri. Feb 13th, 2026

Umalma ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) sa ilang maling pahayag ni Cardinal Pablo Virgilio “Ambo” David kaugnay ng mga isinagawang “Baha sa Luneta” rallies noong Setyembre 21 at Nobyembre 30.

Sa inilabas na pahayag, iginiit ng KBKK, organizer ng Baha sa Luneta rallies, na hindi “Resign All” ang naging batayan ng pagkakaisa sa kanilang mga pagtitipon sa Luneta.

Anila, malinaw na ang pangunahing panawagan sa parehong okasyon ay: “Lahat ng sangkot, dapat managot,” “Ikulong ang mga kurakot,” at “Marcos, Duterte, panagutin.”

Dagdag pa ng grupo, nakasaad sa kanilang pitong konkretong demands laban sa korapsyon ang tunay na laman ng kanilang pagkilos.

Nilinaw din ng KBKK na bagamat may ilang grupo noong Nobyembre 30 na nagdala ng islogan na “Resign All” at “Marcos, Duterte, Patalsikin,” hindi sila pinigilan bilang pagkilala sa karapatan ng bawat organisasyon na magpahayag ng sariling pagsusuri.

Tungkol naman sa panawagan para sa isang “transition council,” sinabi ng KBKK na hindi ito bahagi ng kanilang opisyal na adyenda ngunit iginagalang nila ang mga grupong nagsusulong nito.

Giit nila, hindi ito isang “revolutionary government” o military junta, kundi isang mekanismo upang matiyak ang representasyon ng mamamayan sa pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal at sa paghahanda para sa malinis na halalan.

“Ayon sa mga nagsusulong nito, ito ang paraan para matiyak ang representasyon ng taumbayan, lalo na ang mga nasa laylayan, sa pagpapanagot ng mga kurakot at paglikha ng mga bagong polisiya at reporma kontra korapsyon,” anang KBKK sa isang kalatas.

“Isang nakikitang tungkulin din ng transition council ang pagtulong sa paghahanda para sa isang malinis at kapani-paniwalang halalan sa ilalim ng acting president alinsunod sa Konstitusyon. Kaya’t walang batayan ang kongklusyon na ito’y mauuwi sa pagiging “banana republic” ng Pilipinas,” dagdag ng grupo.

Pinabulaanan din ng KBKK ang umano’y maling impormasyon na napilitan silang ibaba ang mga placard at lumipat sa EDSA noong Setyembre 21 dahil kakaunti ang dumalo.

Ayon sa kanila, tinatayang nasa 80,000 hanggang 100,000 katao ang dumalo sa Luneta, at marami ang nagmartsa patungong Mendiola at EDSA bilang pakikiisa sa iba pang anti-korapsyon na pagkilos.

Binigyang-diin ng KBKK na ang kanilang rally ay nilahukan ng masa mula sa mga maralitang sektor, na nagpakita ng tunay na galit laban sa korapsyon.

Anila, mahalagang kilalanin ng Simbahan ang presensya ng mga ordinaryong mamamayan sa Luneta at hindi sila isantabi.

“Nasa Luneta po ang masa kaya sana po ay di i-etsapwera at sa halip ay yakapin o abutan man lamang ng kamay ng pakikipagkaisa ng Church of the Poor,” anang KBKK.

Sa kabila ng ilang hindi pagkakaunawaan, sinabi ng KBKK na patuloy silang makikipagdayalogo kay Cardinal David, sa Trillion Peso March Movement, at sa iba pang grupo upang higit na mapagtagpo ang mga panawagan at mapalakas ang pagkakaisa tungo sa laban kontra korapsyon.  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *