Fri. Feb 13th, 2026

Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na tinatayang P180 bilyon ang maaaring nawala sa pamahalaan dahil sa mga ghost” flood control projects simula pa noong 2016.

Sinabi ni Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa mga anomalya sa flood control projects, na ang halagang ito ay batay sa mahigit 600 ghost projects na natukoy sa kanilang imbestigasyon.

“Ang universe ng flood control projects mula 2016 hanggang to date, nasa mga 30,000. So kung extrapolate natin easily, 6% kasi kung 10,000 eh nasa 600 ka na mahigit,” ani Lacson sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Dagdag pa niya, kung ipagpapatuloy ang trend na ito, maaaring umabot sa P180 bilyon ang napunta sa mga proyektong hindi naman talaga naipatupad. Ang pagtataya ay ginawa kasama si Senator Win Gatchalian.

Nilinaw ni Lacson na ang naturang halaga ay tumutukoy lamang sa mga ghost projects at hindi pa kasama ang mga substandard o mababang kalidad na proyekto.

Aminado rin ang senador na maliit pa lamang na bahagi ng kabuuang anomalya ang natatalakay ng komite.

Sa kasalukuyan, gumagawa na ng partial committee report ang Blue Ribbon Committee na inaasahang ihahain sa plenaryo ng Senado matapos ang deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2026.

Isiniwalat kamakalawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na natuklasan ng kanilang mga inspector ang 252 ‘ghost projects’ sa iba’t ibang panig ng bansa bilang bahagi ng kanilang pagtulong sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa imbestigasyon hinggil sa mga anomalya sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *