Nagkaisang nagpasya ang Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang paglilipat ng ₱60 bilyon mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) patungo sa pambansang treasury noong 2024, at iniutos ang agarang pagbabalik ng pondo sa state insurer.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, permanente ring ipinagbawal ang paglilipat ng natitirang ₱29.9 bilyon, na nagharang sa direktiba ng Department of Finance (DOF) na ipasa ang kabuuang ₱89.9 bilyon na tinaguriang “excess” funds ng PhilHealth.
Ang desisyon ay bunga ng mga petisyon mula sa mga health advocates at civil society groups na iginiit na nilalabag ng DOF ang Seksyon 11 ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act, na nagbabawal na gamitin ang reserve funds o kita ng PhilHealth bilang bahagi ng general fund ng pambansang pamahalaan.
Nakapag-remit na ang PhilHealth ng ₱60 bilyon bago magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order noong Oktubre 2024, na pumigil sa huling tranche. Noong Setyembre, bago pa ang desisyon ng Korte Suprema, iniutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng ₱60 bilyon sa PhilHealth.
Bayan Muna: Makasaysayang Tagumpay para sa Karapatan sa Kalusugan
Tinawag ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares, isa sa mga petitioner sa kaso, na isang landmark victory para sa konstitusyonal na karapatan sa kalusugan ng mamamayang Pilipino ang desisyon ng Korte Suprema.
“Naibalik ang pondo ng PhilHealth, at hindi na nila pwedeng gawin yan ulit sa future budget. This is a significant victory not just in recovering the funds, but in preventing similar illegal transfers in the future,” ani Colmenares.
Binigyang-diin niya na ang desisyon ay nagtatag ng mahahalagang legal na precedent lampas sa pagbabalik ng pondo.
“It is a significant development that the Court upheld the right to health of the people. We have long argued that the right to health is self-executing and does not need an implementing law to be a source of right. We can use this decision in cases where the right to health is violated,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Colmenares, pinalakas ng desisyon ang kapangyarihan ng taumbayan na kuwestiyunin ang mga iregularidad sa paggastos ng pondo ng gobyerno.
“The decision gave more power to the people to have standing in questioning irregularities in the spending of public funds. The government failed to have the case dismissed on the ground that we had no right to file the petition,” aniya.
Mas Mahigpit na Bantay sa Hinaharap
Nagbabala si Colmenares na kinakailangan pa rin ang masusing pagbabantay sa mga susunod na budget deliberations.
“Sa susunod na budget, mas magiging mahigpit pa ang pagbabantay sa bicam dahil sa kasong ito. We must remain watchful to ensure this does not happen again.”
Sa kanyang pagtatapos, binigyang-diin niya na ang desisyon ay parehong tagumpay at aral para sa mga nasa kapangyarihan:
“This is a victory for the people and a lesson to the president and members of congress in the future—no matter how powerful, the people need to assert their rights to gain victories such as the PhilHealth case.” (JCNE)