Thu. Feb 12th, 2026

Nagpahayag ng pagdududa ang prisoners’ rights group na Kapatid sa mga pahayag ng mga opisyal na walang espesyal na pribilehiyo si convicted human trafficker at dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa Correctional Institution for Women (CIW), at sinabing matagal nang suliranin ang umano’y “VIP treatment” sa mga maimpluwensyang detenido sa sistema ng bilangguan sa bansa.

Naglabas ng pahayag ang grupo sa gitna ng mga ulat at pangamba ng publiko na may tinatamasang espesyal na pagtrato si Guo, na inilipat kamakailan sa CIW matapos ibasura ng isang Pasig court ang hiling niyang manatili sa city jail.

Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, matagal nang nakikita ng mga pamilya ng mga detenidong pulitikal ang malaking agwat ng pagtrato sa mga kilalang bilanggo kompara sa ordinaryong Persons Deprived of Liberty (PDLs).

These reports are nothing new to us. Families of political prisoners have long observed how “VIPs”—Very Important PDLs—receive conveniences routinely denied to those who are poor with no influence or resources,” sabi ni Lim.

Binigyang-diin ni Lim na maraming pagkakataon na nagpapakita ng hindi patas na pagpapatupad ng mga patakaran sa loob ng mga kulungan.

Sa New Bilibid Prison Maximum Security Compound, sinabi niyang higit isang taon nang hindi nailalabas ang mga pangunahing gamit para sa matatanda at may sakit na detenidong pulitikal.

“At the NBP Maximum Compound, even basic amenities that we brought for political prisoners—one water dispenser and two rice cookers for shared, economical cooking and safe drinking water—have been impounded for over a year now. Hindi ibinibigay sa matatanda at maysakit na political prisoners na nag-request nito,” aniya.

Tinukoy din ng Kapatid na matagal nang may alegasyon ng espesyal na pagtrato sa ilang high-profile na PDL.

Giit ni Lim , dapat magpaliwanag ang BuCor hinggil sa paglipat kay convicted kidnapper at dating Gen. Jovito Palparan sa Minimum Security mula sa from the Maximum Security Compound.

Noong nakaraang dekada ay lumabas ang ulat na si Janet Lim-Napoles, utak ng pork-barrel scam, ay inilagay umano sa ‘mother and child’ ward ng CIW, na nakalaan para sa mga nanay at buntis na inmates. Itinanggi ito ng kanyang abogado at sinabing tulad lamang siya ng iba pang nakakulong.

Kalaunan, si Napoles ay napaulat na naging “mayor” ng mga inmate—isang impormal na posisyon sa loob ng kulungan na kadalasang hawak ng mga maimpluwensiya o beteranong bilanggo. Iginiit pa rin ng BuCor na wala siyang natanggap na espesyal na pribilehiyo lampas sa karaniwang proseso.

Samantala, si Guo ay umalis umano ng bansa noong Hulyo 17, 2024, at bumiyahe sa Malaysia, Singapore at Indonesia, kung saan siya inaresto noong Setyembre 3 at agad na ipina-deport noong Setyembre 5. Kinakaharap niya ang mga alegasyong may kinalaman sa espionage, ilegal na sugal, at iba pang krimen laban sa estado.

Umingay ang batikos ng publiko matapos kumalat ang litrato ni Guo na nakangiti at naka-peace sign habang kasama sina Interior Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Gen. Rommel Marbil sa Jakarta—kinunan matapos ang kanyang pagkakaaresto ngunit bago siya maibalik sa bansa.

Mariing kinondena ng ilang senador, kabilang si Risa Hontiveros at Joel Villanueva, ang larawan bilang “hindi propesyonal” at nagbibigay ng impresyon na tinatrato ang isang pugante “na parang celebrity o kaibigan.”

Patuloy na itinatanggi ng BuCor at CIW ang mga alegasyon ng VIP treatment para kay Guo, ngunit sinabi ng Kapatid na ang pagdududa ng publiko ay nagpapakita ng matagal nang pangamba tungkol sa hindi pantay na pagtrato sa loob ng mga kulungan at pasilidad ng koreksyon.

“Some prisoners are clearly more equal than others. More than high time for a full investigation into these glaring disparities,” ani Lim. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *