Thu. Feb 12th, 2026

 

 

Inatasan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang New People’s Army (NPA) na magpatupad ng apat na araw na ceasefire sa Pasko at Bagong Taon.

Sinabi ng CPP na ang unilateral ceasefire declaration ay epektibo mula hatinggabi ng Disyembre 25 hanggang isang minuto bago mag-Disyembre 27  at muli sa hatinggabi ng Disyembre 31 hanggang isang minuto bago ang Enero 2.

“On the above specified days, all units of the NPA are directed to go into active defense mode especially in the face of relentless military operations of the Armed Forces of the Philippines (AFP) against peasant communities and guerrilla fronts across the country,” anang CPP sa isang kalatas.

Sinabi ng CPP na sa panahon ng kanilang apat na araw na tigil-putukan, lahat ng mga Pulang kumander at Pulang mandirigma ay dapat manatiling mataas ang antas ng pagbabantay laban sa “traydor na mga opensiba sa lupa at himpapawid ng AFP.”

“They must work closely with the masses, and must be ever ready to maneuver or counter-attack, when necessitated by the situation,” ayon sa Partido.

Hinimok din ng CPP ang mga yunit ng NPA at mga lokal na organisasyong magsasaka na magsagawa ng mga gawaing pangkultura at pang-edukasyon kasabay ng ika-57 anibersaryo ng CPP.

Tradisyonal na ipinatutupad ng CPP at NPA, ang mga deklarasyon ng tigil-putukan tuwing Kapaskuhan ay minsang tinutugunan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP), partikular sa panahon ng pormal at backdoor-channel na negosasyong pangkapayapaan kasama ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ang huling deklarasyon ng CPP para sa tigil-putukan sa Pasko ay noong Disyembre 25 at 26, 2023, kasunod ng sabayang anunsyo ilang linggo bago nito ng pamahalaan ni Ferdinand Marcos Jr. at ng NDFP hinggil sa mga pag-uusap upang muling buhayin ang pormal na negosasyong pangkapayapaan.

Hindi ito tinugunan ng AFP, sa halip ay nag-utos ng patuloy na mga operasyong militar laban sa NPA.

Wala pang sagot ang GRP sa deklarasyon ng tigil-putukan ng CPP ngayong taon.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, iniutos ni Marcos Jr. sa security forces ng kanyang pamahalaan na tuluyang durugin ang NPA bago matapos ang taon.

Iniulat ng AFP na mas maaga ngayong taon na wala nang aktibong mga guerilla front ng NPA sa bansa, na nagmarka umano ng estratehikong tagumpay ng GRP laban sa underground revolutionary army.

Gayunpaman, isang serye ng mga armadong engkuwentro sa pagitan ng AFP at NPA ang sumiklab sa iba’t ibang panig ng bansa matapos ang SONA ng pangulo, na nagpapatunay na mali ang kanyang mga pahayag.

Noong nakaraang Sabado, isa na namang armadong engkuwentro sa pagitan ng NPA at ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang naganap sa San Jose de Buan sa Samar, ayon sa ulat ng CPP.

Nagresulta ang labanan sa pagkamatay ng dalawang sundalo ng pamahalaan na umano’y kabilang sa Military Intelligence Battalion ng naturang yunit ng AFP.

Iniulat naman ng tagapagsalita ng NPA-Western Samar na si Tirado Dagohoy na isang mandirigma ng NPA ang nagtamo ng bahagyang sugat at madaling nakaiwas sa “kaaway.”  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *