Thu. Feb 12th, 2026

Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) nitong Lunes ang ikalawang round ng bicameral conference committee (bicam) deliberations sa panukalang 2026 national budget, na anila’y nagbubunyag ng nagpapatuloy na labanan para mapanatili ang bilyon-bilyong pondo ng pork barrel.

Ayon sa BAYAN, ang deadlock ay nag-ugat sa pagpupumilit ng contingent ng Kamara na ibalik ang orihinal na bersyon ng General Appropriations Bill (GAB), na naglalaman ng ₱54 bilyong dagdag sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na binawasan ng Senado.

“This stubborn position has nothing to do with development needs or public welfare. It is fundamentally about pork,” ayon sa pahayag ng BAYAN.

Binigyang-diin ng grupo na matagal nang “paboritong daluyan” ang DPWH para sa pork barrel allocations dahil sa katangian nitong nakabatay sa proyekto, mahina ang transparency mechanisms, at madaling kapitan ng korupsiyon.

“A lower DPWH budget means fewer discretionary projects to distribute and, ultimately, lower kickbacks for those who profit from the system,”dagdag ng BAYAN.

Inakusahan ng BAYAN ang ilang lider ng Kamara na nakikipagsabwatan sa Ehekutibo upang ipatigil ang bicam proceedings kaysa tanggapin ang kahit katamtamang bawas na iminungkahi ng Senado.

“What we are seeing is not a principled disagreement between two chambers of Congress but a tug-of-war over who controls the pork and how much can be milked from the public coffers,” ayon sa grupo.

“While ordinary Filipinos struggle with rising prices, inadequate social services, and the impacts of climate-related disasters, lawmakers are locked in a battle to protect funds that fuel corruption and patronage politics.”

Binigyang-diin ng organisasyon na ang deadlock ay nagpapahina sa tiwala ng publiko sa proseso ng badyet.

The bicameral conference committee is supposed to reconcile differences in the name of the people, not to serve as a bargaining table for pork barrel allocations,” pahayag ng grupo.

Muling nanawagan ang grupo para sa ganap na transparency sa proseso ng bicam, kabilang ang agarang pagbubunyag sa publiko ng lahat ng amendments, insertions, at listahan ng mga proyekto ayon sa distrito, party-list, at senador.

Karapatan anila ng mamamayan na malaman kung saan napupunta ang kanilang buwis at kung sino ang nakikinabang sa mga maniobrang ito sa badyet.

Nagbabala ang BAYAN na maliban kung tuluyang bibitawan ng Kongreso ang pork barrel system, simula sa malalaking bawas sa mga alokasyong madaling kapitan ng korupsiyon sa DPWH, bawat hindi nareresolbang round ng bicam ay patuloy na magiging kapinsalaan sa publiko. “Bawat ‘draw’ sa bicam ay isang pagkatalo para sa sambayanang Pilipino,” ayon sa grupo.   (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *