Thu. Feb 12th, 2026

Tikom ang bibig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa akusasyon na pinondohan umano ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at drug money ang kandidatura ni Vice President Sara Duterte noong 2022.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na walang masasabi si Marcos Jr. kaugnay sa usapin  kahit pa running mate ni Marcos Jr. si VP Sara sa ilalim ng Team Unity noong 2022 elections.

“Wala pong personal na knowledge ang Pangulo patungkol sa anumang maaaring naging transaksiyon ng Bise Presidente sa mga POGO operators o sa drug lords. Wala po siyang masasabi patungkol po doon,” ayon kay Castro sa ginanap na press briefing sa Palasyo.

Pormal na isinumite ng self-confessed bagman ni VP Sara at kidnapping suspect na si Ramil Madriaga ang kanyang sinumpaang salaysay sa Office of the Ombudsman na humihiling na imbestigahan ang kanyang mga rebelasyon na tinustusan ng drug dealers at POGO ang 2022 campaign ng bise president.

“I was able to identify several of these individuals during my frequent pickups of cash-filled bags at locations such as The Gate in Pampanga, Vertis North Mall, and Seda Hotel in Quezon City, and the Grand Hyatt in BGC,” sabi ni Madriaga sa kanyang affidavit.

Idinetalye rin ni Madriaga ang ilang beses na pag-deliver ng milyones hanggang bilyones na cash.

“Kung sinuman ang makakapagbigay ng anumang ebidensiya laban sa sinumang public servant at ito’y may patungkol sa anomalya, paglulustay, pagnanakaw ng pondo ng bayan, dapat lamang pong maimbestigahan. Siguraduhin lamang po na ito ay hindi pamumulitika, kailangan managot ang dapat managot,” tugon ni Castro sa paghahain ng reklamo ni Madriaga laban kay VP Sara sa Ombudsman. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *