Thu. Feb 12th, 2026

Maaaring mauwi sa “lame duck presidency” ang pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa natitirang tatlong taon ng kanyang termino, isang pamahalaang walang ngipin at walang kredibilidad sa mata ng taumbayan, kapag hindi naging agresibo ang kanyang aksyon laban sa flood control corruption scandal.

Para kay Jean Encinas-Franco, political analyst, magiging litmus test ng pamumuno ni Marcos Jr. ang flood control corruption scandal, ang tinaguriang pinakamalaking katiwalian sa kasaysayan ng Pilipinas.

Hindi na aniya ito simpleng isyu ng proyekto ang nakataya kundi ang kredibilidad ng buong administrasyon.

“People, historians, Filipinos will measure his leadership and his entire admin based on what he will do about this so-called biggest corruption in PH history,” giit niya sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH.

Ang iskandalo aniya ang magtatakda kung paano hahatulan ng kasaysayan ang pamumuno ni Marcos Jr.

Paliwanag ni Encinas-Franco, kampanya noong 2022 ni Marcos Jr.  ay nakasandig sa pagbuhay ng pangalan ng pamilya, ngunit maaaring mauwi sa kapahamakan kung matatapos ang termino nang hindi nareresolba ang kontrobersya.

“It’s also sad commentary of his presidency that he ran for the presidency in 2022 anchored on the fact that he wanted to revitalize the Marcos family name pero it would be disastrous if his presidency will end and unresolved or unaddressed… itong corruption scandal na ‘to. Baka dumami pa ‘yung mga tanong ng taumbayan,” ani Encinas-Franco.

Inaasahan ang agarang, matapang na hakbang sa mga susunod na linggo upang ipakita na seryoso ang administrasyon laban sa katiwalian.

Kailangan din aniyang maipasa ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) law upang magkaroon pangil ang komisyon gayundin ang pagkakaloob dito ng sapat na budget at tauhan.

“Kailangan talagang bold moves… ang gawin niya in the next few weeks. Unang-una na ‘yung ICI law.A lot of people, even those people who resigned from the ICI were saying that it should really be legislated… ma-institutionalize, may karampatang budget, human resources, may pangil,” aniya.

Ayon kay Encinas-Franco,k ung mapatunayang sangkot ang mga kaalyado o malapit sa pangulo, inaasahan ng publiko na sila’y kasuhan at ipakulong.

“Hindi lang naman iisa ang solusyon dito, kailangan talagang maipakita na may makukulong na malalaking isda. More importantly, kung talagang involved ‘yung mga taong malapit sa kanya, ipakulong niya. ‘Yun ang iniiintay ng taumbayan, unless gawin niya ‘yun, ang mangyayari, talagang napaka-lame duck na ng sitwasyon niya in thenext three years,” wika ng political analyst. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *