Thu. Feb 12th, 2026

Binatikos ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang lumalaking agwat sa pagitan ng pamumuhay ng masang Pilipino at ng iilang naghaharing uri, kasabay ng pagtaas ng yaman ng pinakamayayamang pamilya sa bansa mula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bahagi ng pahayag sa ika-57 anibersaryo ng CPP ang pagsiwalat na ang pinagsamang ari-arian ng tatlong pinakamayamang Pilipino—sina Enrique Razon, Manuel Villar at Ramon Ang—ay lumaki ng 56 porsyento mula ₱485.6 bilyon tungong ₱1.3 trilyon.

Ang kabuuang yaman ng 50 pinakamayaman ay tumaas naman ng 25 porsyento, mula ₱979 bilyon tungong ₱4.9 trilyon.

Ayon sa partido, malayo ito sa 7.5 porsyentong dagdag-sahod na ibinigay ngayong taon sa mga manggagawa sa National Capital Region.

Binanggit ng CPP na habang nakalubog sa kahirapan ang masang anakpawis, namumuhay nang marangya ang naghaharing uri sa pamamagitan ng mga mansyon, mamahaling sasakyan, pribadong resort, yate, alahas at biyahe sa ibang bansa.

Dagdag pa ng partido, kumikita ang mga ito sa pakikipagsosyo sa mga dayuhang kapitalista at bangko, sa pagluluwas ng hilaw na materyales, pag-aangkat ng yaring kalakal, at sa pamumuhunan sa mga kumpanyang nakikinabang sa murang lakas-paggawa.

Sinabi ng CPP, kontrolado ng naghaharing uri ang pinakamalalaking bangko at korporasyon kabilang ang International Container Terminal Services, SM Investments, BDO, SM Prime, Meralco, BPI, San Miguel Corporation, Ayala Land, PLDT at China Bank. Sinabi rin ng grupo na sila ang nagpopondo sa malalaking partidong pampulitika at nakikinabang sa mga kontrata, batas, proyektong pang-imprastruktura at desisyon ng korte.

Dati nang napaulat na si Ramon Ang ang primary financier ng Nationalist People’s Coalition (NPC) party ;  si Enrique Razon Jr. naman sa  National Unity Party (NUP) habang si Manuel Villar sa Nacionalista Party (NP).

Dagdag pa ng CPP, katuwang ng naghaharing uri ang imperyalismong US sa pagpapanatiling atrasado ng bansa, sa pamamagitan ng mga kasunduang militar gaya ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement.  Tinuligsa rin ng grupo ang lumalaking presensya ng militar ng US sa bansa sa pamamagitan ng Balikatan exercises. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *