Binatikos ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang pangakong binitawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makukulong ang mga “malalaking isda” sa kasong korapsyon bago mag-Pasko.
Sa halip, aniya, nananatiling malabnaw at selektibo ang kampanya laban sa katiwalian, habang walang matataas na opisyal ang napapanagot.
Ayon kay Tinio, ang kawalan ng seryosong imbestigasyon at mahihinang pag-aresto ay resulta ng pagbibigay-daan kay Marcos Jr. na umiwas sa pananagutan at protektahan ang sarili at mga pinakamalalapit na opisyal sa Malacañang.
Maging sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at puganteng dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co aniya ay nagsabing mayroong kickbacks na ibinayad sa Pangulo.
Habang pinayagang makalabas ng bansa aniya si dating DPWH Secretary Manauel Bonoan, habang sina dating Executive Secretary Lucas Bersamin, dating DBM Secretary Amenah Pangandaman, at dating DOJ Usec. Jojo Cadiz ay tahimik na inalis sa puwesto.
Binigyan diin ni Tinio na sa kabila nito’y hindi pa rin iniimbestigahan ng Ombudsman ang mga nabanggit na dating opisyal ng administrasyon.
Nawalan ng interes aniya ang Senate Blue Ribbon Committee nang humantong ang mga ebidensya sa Malacañang, at maagang tinapos ng Kamara ang kanilang imbestigasyon.
Sinabi ni Tinio na maging ilang makapangyarihang grupo sa civil society ay mas piniling makipag-usap kay Marcos Jr. tungkol sa “makabuluhang reporma” kaysa busisiin ang papel ng Pangulo at kanyang gabinete sa umano’y flood control scam.
“Walang malaking isda dahil ginusto nila yan,” giit ni Tinio. Dagdag pa niya, kung hindi pananagutin ang Malacañang, hindi rin haharap sa pananagutan ang mga lider ng Senado at Kamara. “Sila ang mga malaking isda na nagbigay-daan sa walang kapantay na pandarambong sa pondo ng DPWH sa nakalipas na tatlong taon.”
Kung susundin aniya ang script ng administrasyon, posibleng ilang senador, kongresista, kontraktor, at mababang opisyal lamang ang makasuhan, bago ideklarang tapos na ang usapin.
Ngunit tiniyak ni Tinio na hindi magtatapos dito ang galit ng taumbayan. “Hindi sila makukuntento sa listahan ng scapegoats. Asahan ang mas malalaking protesta sa susunod na taon. Ang tunay na panawagan ng mamamayan: Lahat ng sangkot, dapat managot! Baguhin ang bulok na sistema!” (ROSE NOVENARIO)