Thu. Feb 12th, 2026

Minaliit ng Malacañang at tinawag na tsismis lang ang mga alegasyon na ilang kalihim ng Gabinete ay umano’y isinama sa listahan ng mga proponent ng multibillion-peso na budget insertions para sa mga infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang naturang mga paratang ay balewala bilang ebidensya maliban na lamang kung suportado ng mga beripikadong dokumento.

Binigyang-diin ni Castro na ang mga hindi opisyal na pinagmulan ng impormasyon ay hindi dapat bigyan ng kredibilidad nang walang wastong beripikasyon, at iginiit na kailangan ang due process at opisyal na pagpapatunay bago makapagbigay ng tugon ang Palasyo sa naturang mga alegasyon.

“The Palace will only respond to documents authenticated by the DPWH,” ani Castro.

“Other than these, they will all be considered hearsay or tsismis, which have no probative value,” dagdag pa niya.

Nauna nang sinabi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na ang yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral ang nagbigay umano sa kanya ng mga dokumento noong Setyembre 4 na naglalaman ng mga pangalan ng matataas na opisyal, kabilang ang mga kalihim ng Gabinete, na umano’y nakalista bilang mga proponent na sangkot sa budget insertions ng ahensya.

Ayon kay Leviste, ipinakita ang mga file sa Independent Commission for Infrastructure noong Nobyembre 18 at 19, at sa Office of the Ombudsman noong Nobyembre 26.

Lumabas ang rebelasyon ni Leviste kasunod ng pagkamatay ni Cabral, na nahulog sa bangin sa Benguet noong Disyembre 19.

Matatandaang si Cabral ay inakusahan ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo bilang isa sa timon sa financial planning ng ahensya.

Nagbitiw si Cabral noong Setyembre 16 matapos masangkot sa katiwalian sa DPWH. (RRN)

 

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *