Ipinahayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na lahat ng yunit ng New People’s Army (NPA) ay nagsimula nang ipatupad ang unang bahagi ng kanilang pambansang tigil-putukan kasabay ng pagdiriwang ng Pasko ngayong araw at ng ika-57 anibersaryo ng Partido bukas, Disyembre 26.
Ayon sa CPP, sinuspinde ng NPA ang mga operasyong militar laban sa mga pwersa ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) simula hatinggabi ngayong araw hanggang isang minuto bago mag-Disyembre 27.
Binigyang-diin ng Partido na inilabas ang deklarasyon ng tigil-putukan bilang pakikiisa sa mamamayan na nagsasagawa ng payak na pagdiriwang ng kanilang tradisyunal na kapistahan “sa gitna ng malubhang kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya.”
Agad na tumugo nang pagtalima sa kautusan ang iba’t ibang yunit ng NPA, kabilang na ang Leonardo Panaligan Command (LPC) sa Gitnang Negros.
“Mahigpit na iniuutos ng (LPC-NPA) sa Gitnang Negros sa lahat ng yunit ng NPA, mga milisya at iba pang gerilyang yunit sa ilalim nito na matatag at mahigpit na ipatupad ang tigil-putukan,” pahayag ni JB Regalado, tagapagsalita ng NPA-Central Negros.
Ayon pa sa CPP, naglabas din ng kaparehong direktiba ang mga rehiyonal na kumand ng NPA sa Southern Tagalog at Eastern Visayas, sa kabila ng mga ulat ng armadong sagupaan sa pagitan ng NPA at Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong mga nakaraang araw.
Tinanggihan ng AFP na tumbasan ang unilateral na tigil-putukan ng CPP, na tinawag nitong isang “publicity stunt.”
Nangako rin ang militar na maglulunsad ng malawakang operasyong pangseguridad sa buong bansa sa panahon ng Pasko at Bagong Taon.
Dahil dito, sinabi ng CPP na kinakailangang manatili sa depensibong posisyon ang NPA sa buong panahon ng unilateral na ceasefire.
“Sa mga nabanggit na araw, lahat ng yunit ng NPA ay inaatasang pumasok sa aktibong depensibong moda, lalo na sa harap ng walang humpay na operasyong militar ng AFP laban sa mga komunidad ng magsasaka at mga gerilyang prente sa buong bansa,” utos ng CPP Central Committee.
Binigyang-diin ni CPP Chief Information Officer Marco L. Valbuena na mahalaga ang ganitong tindig, lalo na’t may direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa AFP na ipagpatuloy ang mga operasyong militar kahit sa panahon ng Kapaskuhan.
“Ito ay malinaw na nagpapakita ng kasakiman sa dugo ni Marcos at ng kanyang layunin na guluhin ang tradisyunal na pagdiriwang ng mamamayang Pilipino,” ani Valbuena.
“Wala siyang maiaalok sa taumbayan ngayong panahon kundi bala at bomba,” dagdag pa niya.
Magkakaroon din ng ikalawang dalawang-araw na tigil-putukan ang NPA mula 00:00 oras ng Disyembre 31 hanggang 23:59 oras ng Enero 1, 2026. (ROSE NOVENARIO)