Thu. Feb 12th, 2026

📷: Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon

 

Hinamon ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon si Batangas Rep. Leandro Leviste na ilabas ng buo ang ipinangangalandakan na hawak nitong listahan ng 2025 DPWH project with proponents na umano’y nakuha mula sa yumaong dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral.

Sinabi ito ni Ridon kasunod ng rebelasyon ni Leviste na isa ang Bicol Saro partylist sa nakasungkit ng P150-M halaga ng proyekto mula sa DPWH ngayong 2015.

“Kabababalik lang natin sa Kongreso ngayong taon, 30 June 2025, sa ilalim ng 20th Congress. Kaya paano ako magkakaroon ng insertions sa 2025 budget kung hindi pa ako congressman noong binuo ang budget na ito noong 2024, sa ilalim ng 19th Congress?” ani Ridon sa isang kalatas.

Kaysa lituhin aniya ni Leviste ang publiko, mas makabubuting ilabas agad nito ang “buo at hindi pa-konti-konting 2025 DPWH project listing with proponents na sinasabi niyang kasama ang congressmen, senators, executive officials, “including Secretaries and Undersecretaries outside DPWH” at private individuals.”

“Marapat na ilabas niya ito sa pinakamaagang panahon. Hindi niya kailangan ng abiso mula sa Kongreso o kay DPWH Sec. Vince Dizon para gawin ito,” giit ni Ridon.

Higit na mahalaga aniya na ipaliwanag ni Leviste kung bakit hindi agad isinapubliko matapos makuha ang dokumento kay Cabral noong Setyembre 4, 2025 o mahigit tatlong buwan na ang nakalipas mula pumanaw si Cabral.

“Mahalagang ipaliwanag din niya kung bakit ngayon lang niya binabanggit ang listahang ito, ngayong patay na ang nag-iisang maaaring makapagpatunay ng authenticity ng dokumentong ito,” wika ni Ridon.

Matatandaan na sa ulat ng Bilyonaryo News Channel noong Noong Nobyembre 28, 2025 ay isiniwalat ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na isang beses lamang silang nagkita ni Leviste kasama ang ina nitong si Sen. Loren Legarda at partylist Rep. Jojo Ang.

Hiniling umano nila sa kanya na itaas sa P2 bilyon bawat isa ang allocable amount para sa distrito ng Batangas at Antique.

Tinanggihan umano ito ni Bonoan dahil wala siyang kapangyarihan na baguhin ito at adopted na ang allocable amount mula sa infra budget ng Marcos administration. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *