Pagkatapos igiit ng mga estudyante ng University of Caloocan City sa North Caloocan ang ₱5,000 na financial assistance, naipamahagi ang nasabing ayuda, subalit, muli umanong sinabayan ito ng pananakot at intimidasyon mula sa lokal na pamahalaan, ayon sa Kabataan Partylist -North Caloocan.
Ayon sa grupo, pinagbawalan ang mga mag-aaral na gumamit ng kanilang mga mobile phones at gadgets habang nakapalibot ang mga empleyado ng Caloocan City Hall upang maiwasan ang paglabas ng mga litrato at video ng distribusyon ng ayuda.
Sa halip anila na mabilis na maibigay ang cash assistance, nauwi umano ang proseso sa mahigit isang oras na “sermon” tungkol sa pagpapahayag ng mga estudyante.
Binanggit pa anila sa pagtitipon na dapat magpasalamat ang mga UCCians at magkaroon ng “utang na loob” sa kasalukuyang rehimen ng Caloocan, kahit na ang pondo ay mula sa kaban ng bayan.
Dagdag ng Kabataan Partylist, unang batch pa lamang ang naipamahagi at wala pang malinaw na anunsyo kung kailan matatanggap ng iba pang estudyante ang susunod na payout.
Mariing kinondena ng grupo ang paggamit ng cash assistance bilang kasangkapan sa patronage politics.
Anang grupo, dapat gawing abot-kaya ang libreng edukasyon at ang lahat ng benepisyo nito, kabilang ang financial aid, nang walang kapalit na pananakot o pamumulitika.
“Ang isyu ng financial aid ay isa lamang manipestasyon ng nabubulok at kurap na pamamahala ng pamahalaang lungsod ng Caloocan,” pahayag ng Kabataan Partylist – North Caloocan.
Nanawagan ang grupo sa mga estudyante ng UCC na tumindig para sa kanilang demokratikong karapatan at ipaglaban ang tunay na libre at abot-kayang edukasyon. (ROSE NOVENARIO)