Ipinagkaloob ng Court of Appeals (CA) ang pribilehiyo ng Writ of Amparo at Habeas Data pabor sa nawawalang aktibista na si James Jazmines, matapos igiit na ang kanyang pagkawala ay isang kaso ng enforced disappearance at binigyang-diin ang kabiguan ng mga awtoridad ng estado na magpakita ng extraordinary diligence sa imbestigasyon.
Ibinahagi ni Atty. Ephraim Cortez, pangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers, sa isang Facebook post, nakasaad sa desisyon ng CA 12th Division noong Enero 14, 2026 na, batay sa umiiral na jurisprudence, matindi ang paglabag sa mga karapatan ni Jazmines sa buhay, kalayaan, at seguridad.
Binanggit ng korte na ang mga respondent, kabilang sina AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., dating PNP Chief Gen. Rommel Marbil, at dating CIDG Chief Gen. Nicolas Torre III, ay responsable at mananagot sa mga pagkukulang sa tungkulin.
Itinampok ng desisyon ang saklaw ng proteksiyon ng Writ of Amparo, isang konstitusyonal na pananggalang laban sa extrajudicial killings at enforced disappearances, at ng Writ of Habeas Data, na nagpoprotekta sa indibidwal laban sa paglabag sa privacy at seguridad sa pamamagitan ng illegal na surveillance o pangangalap ng datos.
Ayon sa legal observers, pinagtitibay ng desisyon ang papel ng hudikatura sa pagbabantay sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, at nagbibigay ng malinaw na mensahe na ang mga institusyon ng estado ay dapat magpanagot upang mapangalagaan ang mamamayan laban sa pang-aabuso. (ROSE NOVENARIO)