Sat. Mar 14th, 2026

📷: Ex-DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara

 

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes na sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara ay pormal nang isinailalim bilang state witnesses sa imbestigasyon ng pamahalaan kaugnay ng kontrobersya sa flood control projects.

Ayon kay Justice Acting Secretary Fredderick Vida, apat na indibidwal ang tinanggap sa Witness Protection Program (WPP) kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects. Kabilang sina DPWH Engr. Gerard Opulencia at kontraktor na si Sally Santos, may-ari at manager ng SYMS Construction Trading.

“Isa sa karapatan ng mga state witnesses na ina-admit sa programa is to be discharged from criminal liability,” pahayag ni Vida sa press briefing.

“Dun ‘yun sa particular na kaso na tinutulungan nila kami, sa mga kaso na sila ay nagbigay ng ebidensya na magagamit ng estado, dun sila dropped. Pero kung halimbawa merong kang isa pang kaso na ibang usapin,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ng DOJ na dati nang isinailalim sa “provisional acceptance” sina Bernardo at Alcantara bilang protected witnesses.

Kasama rin sa provisional acceptance sina DPWH engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, ngunit ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, “Base sa pagsusuri sa isinumiteng ebidensya hindi sila magku-qualify as state witnesses to be discharged under the WPP.”

Dagdag pa ni Fadullon: “Hindi namin pwede banggitin kung ano ang naging resulta ng evaluation… But suffice to say, sa ngayon, wala kaming nakikitang pangangailangan para sila ay i-discharge patungkol sa kaso kung saan sila ay lumalapit para matanggap na testigo ng estado.”

Ayon sa DOJ, nakapagbalik na ng higit ₱316 milyon sa kaban ng bayan ang apat na state witnesses bilang bahagi ng restitution, at inaasahang aabot sa ₱1.5 bilyon ang kabuuang halaga.

Sinabi ni Fadullon na si Bernardo ay nakapagbalik na ng paunang ₱35 milyon noong Enero 13, bahagi ng ₱1 bilyong nakasaad sa memorandum of agreement (MOA) sa DOJ.

“It is in form of a manager’s check and it is partial. Ang pinanggalingan nito ay pagbenta ng isang ari-arian nya at downpayment pa lang ito. Kung makuha nya ang balanse ay ibibigay nya sa DOJ,” paliwanag ni DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty.

Dagdag pa niya, “Ang timeline para sa ari-arian is by the end of January.”

Idinawit ni Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Nobyembre 2025 ang ilang dati at kasalukuyang opisyal na umano’y nakatanggap ng kickbacks mula sa infrastructure projects.

Kabilang rito sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, Senators Jinggoy Estrada at Mark Villar, Education Secretary Sonny Angara, dating Sen. Grace Poe, dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy, San Jose del Monte Mayor Rida Robes, at dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.

Ayon kay Bernardo, ang mga naturang opisyal ay nakatanggap umano ng 15% hanggang 25% kickbacks mula sa proyekto. Mariin namang itinanggi ng mga idinawit ang paratang laban sa kanila. (RRN)

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *